Inirereklamo ng ilang overseas Filipino workers (OFW) ang isang courier company sa Kuwait dahil sa mga naantala o hindi na nakararating na balikbayan boxes na ipinadala nila sa Pilipinas. Ang isang OFW, inilagay pa naman sa padala ang pinaghirapan niya ng anim na taon sa pagtatrabaho doon.

Sa Serbisyo On The Spot ng "Dapat Alam Mo!," makikita ang ilang nakatengga na balikbayan boxes na inabot na ng isang taon bago makarating sa bansa.

Nasira na ang mga laman nito sa tagal ng pagkakatambak, at expired na ang mga tsokolate na ipinadala sana para sa mga mahal sa buhay.

Walong taon na nagtrabaho bilang domestic helper si Annalie Adricula Diaz, kung saan lahat ng kaniyang inipon ay inilagay niya sa balikbayan box.

Pero nakauwi na siya sa Pilipinas para magkabasyon pero wala pa ang kaniyang padala.

Ani Diaz, Agosto ng 2021 nang ipadala niya ang mga kahon ngunit hindi pa ito natatanggap ng kaniyang pamilya hanggang ngayon.

"Siyempre fina-follow up namin nang fina-follow up. Ang sabi lang po sa amin, 'Parating na, parating na, antay lang po.' Nandito na raw po sa Pilipinas. Ang problema po, hindi nila masagot sa amin kung sino 'yung forwarder," sabi ni Diaz.

Si Juvy Smith naman, nagtrabaho bilang production personnel sa loob ng anim na taon sa Kuwait, hanggang sa nagdesisyon siyang sa Pilipinas na lang magtrabaho.

Inilagay ni Smith sa balikbayan box ang kaniyang pinag-ipunang gamit at mga pasalubong. Na-pick up ang kaniyang balikbayan box noong Oktubre 19 pero pag-uwi niya, nadiskubre niyang hindi pa rin nakararating ang ipinadala niya.

"Six years. Nandoon lahat, inaasahan mo, kumbaga naipundar mo na eh, nandoon na lahat eh. Tapos ipapadala mo rito, hoping hindi ka mag-start to zero," sabi ni Smith.

Bukod dito, meron pang ilang OFW na nakaranas na pagdudahan na hindi totoo ang kanilang pagpapadala sa Pilipinas.

Ayon kay Viola Bavolor, na 17 taon nagpabalik-balik sa Kuwait bilang isang domestic helper, nagpadala siya noong Hulyo 24 at Setyembre 9, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito nakararating.

"Sinabihan ako ng limang taon kong anak, 'Sinungaling ka Mama sabi mo may karton. Bakit wala?' Nakuha ko 'yung karton ko na isa, expired na lahat ng pagkain. Tinapon ko na. Sabi ko 'Sayang naman. Pera rin ito, pinaghirapan ko, tapos ganu'n lang, hindi makain ng anak ko," sabi ni Bavolor.

Ayon sa ilang OFW, naakit sila sa mababang presyo ng pagpapadala sa Pilipinas, na nagkakahalaga lamang ng 15 Kuwait dinar o halos P3,000 na singil kada large box, na mas mababa ng P1,000 sa ibang cargo company.

Kahit na kompleto ang kanilang bayad sa pagpapadala ng mga cargo sa Pilipinas, karamihan sa kanila ang hindi nabigyan ng waybill number kaya hindi nila ma-trace kung nasaan na ang kanilang mga balikbayan box.

Bukod dito, hindi na rin nila mababawi ang ipinambayad sa cargo.

Inireklamo ng mga OFW sa Philippine Embassy sa Kuwait ang Manila Cargo.

Ayon kay Aaron Eric Lozada, Vice Consul ng Philippine Embassy sa Kuwait, idinulog na ang kanilang reklamo para masampahan ng kaukulang kaso ang cargo company.

Sinubukang kunan ng GMA News ng panig ang nasabing courier company sa Kuwait ngunit hindi sila tumugon sa tawag.

Patuloy namang inaalam ng Bureau of Customs kung nasaan ang mga cargo nina Diaz at Smith matapos sabihin ng courier company na nakarating na ito sa bansa. -- FRJ, GMA News