Maging si Hesus ay pinagtaksilan pero nakuha pa rin Niyang magpatawad (Juan 13:16-20).
ANG isa pinakamasakit na maaaring mangyari sa buhay ng isang tao ay malaman na pinagtaksilan ka ng taong iyong pinagkakatiwalaan.
Taong hindi mo inakalang darating pala ang araw ay bigla ka na lamang niyang sasaksakin nang patalikod; na itinuturing mo pa man din na isang tapat na kaibigan o kapamilya.
Ang sabi nga ng iba, mas mainam pa ang sampalin ka nang harapan kaysa pagtaksilan ka ng isang pinagkakatiwalaan. Kahit kasi lumipas ang ilang taon, maaaring paulit-ulit na babalik sa alaala ang ginawang pagtataksil ng taong pinagkatiwalaan mo.
Maaaring ganito ang naramdaman ng ilang natalong politiko na lumahok sa nakalipas na Eleksyon 2022--lokal man o nasyunal na posisyon. May ilan sa kanila ang maaaring pinagtaksilan, nilaglag, o ipinagpalit sa ibang kandidato ng mga tao na kanilang pinagkatiwalaan.
Subalit pakatandaan na hindi kayo nag-iisa. Mismong ang ating Panginoong HesuKristo ay naranasan din ang pagtaksilan ng Kaniyang mga alagad.
Ganito ang matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Juan 13:16-20) matapos ipahayag ni Hesus na: “Ako’y pinagtaksilan ng taong pinakakain ko”. Maging ang ating Panginoon ay hindi nakaligtas sa mapait na karanasan ng pagtataksil.
Ipinagkakuno Siya ng pinagkakatiwalaan niyang alagad na si Hudas kapalit ng ilang pirasong pilak. Ang isa pa Niyang alagad na si Pedro ay ikinaila Siya ng tatlong ulit.
Gayunman, ang pag-ibig ng ating Panginoon para sa mga tumalikod sa Kaniya ay hindi nagbago. Naroroon pa rin ang Kaniyang awa at pag-ibig, at walang halong paghiganti o pagtatanim ng galit.
Ang pag-ibig na ito ni Hesus ay para sa ating lahat. Sapagkat tayo man ay nagtataksil din sa ating Panginoon sa pamamagitan ng paulit-ulit na paggawa ng kasalanan. Sa kabila nito, nagagawa pa rin ng ating mahabaging Diyos na mapatawad tayo.
Ang pagpapatawad sa mga taong nagtaksil at nanloko sa atin ay nagbibigay ng pagkakataon upang muli tayong makapagsimula. Mas masarap ang pakiramdam kung wala kang bitbit na bagahe ng galit o ngitngit sa dibdib.
Ang masaklap na pangyayari sa nakalipas na halalan ay hindi natin dapat hayaang maglugmok sa atin sa sama ng loob. Maaaring may magandang plano para sa atin ang Diyos kaya ito nangyari.
Ang mas mahalaga ay maging totoo sa paglilingkod sa mga taong pinagsilbihan. Ang mahalaga ay ang malinis na pagkatao at kalooban sapagkat ito sinusuri ng Panginoong Diyos.
Hindi man nagtagumpay sa larangan ng pulitika ngayon, may darating pang mga susunod na halalan. Pero dapat manatili ang pag-unawa sa mga tumalikod sa iyong laban sa pulitika. Kasabay nito ay dapat na manatili rin ang pagiging mabuting tao sa kapuwa, mabuting asawa, mabuting ama o mabuting ina, o kapatid. Dahil ito ang tunay na pamantayan para masabing isa tayong “totoong tao.”
Kung matututong magpatawad at ipagpapatuloy ang sinserong pagtulong sa kapuwa kahit hindi panahon ng kampanya, maaaring natalo ka sa halalan pero panalo ka sa mata ng ating Panginoon Diyos. AMEN.
--FRJ, GMA News