Maging up to date sa resulta ng botohan sa Eleksyon 2022 na makikita sa GMA News Online's Eleksyon 2022 site.  Sa partial and unofficial count ng mga boto, nangunguna ang tambalan nina dating Senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte, sa labanan ng pagka-presidente at bise presidente.

Sa pamamagitan ng Smart Search ng GMA New Media, Inc., maaaring makita ng publiko ang resulta ng mga boto mula sa mga kandidato sa nasyunal tulad ng presidente, bise presidente, mga senador at party-list, hanggang sa mga lokal na kandidato mula sa gobernador, alkalde hanggang sa mga konsehal.

Marcos, Duterte nangunguna

Sa partial and unofficial count ng mga boto nitong 9:21 pm sa 63.78% ng Nationwide Election Returns o 68,741 ng 107,785 Election Returns, nangungana sa bilangan sa pagkapangulo si dating Senador Bongbong Marcos na may 20,978,083 boto.

Sumunod si Vice President Leni Robredo (9,921,820), Senador Manny Pacquiao (1,879,407), Manila Mayor Isko Moreno (1,378,744) at Sen. Ping Lacson (660,178).

Sa labanan sa pagka-bise presidente, una si Davao City Mayor Sara Duterte na may botong 20,622,870.

Sumunod sa kaniyang sina Sen. Kiko Pangilinan (6,286,504), Senate President Tito Sotto (5,681,755), Dr. Willie Ong (1,395,113) at Deputy Speaker Lito Atienza (152,283).

Robin Padilla, una sa senatorial race

Nangunguna naman sa karera ng mga kandidatong senador si Robin Padilla na may 17,204,399.

Sinundan siya ng nagbabalik-Senado na si Loren Legarda (16,583,131), broadcast journalist na si Raffy Tulfo (15,912,339), re-electionist Sherwin Gatchalian (14,197,561) at nagbabalik-Senado rin na si Chiz Escudero (14,119,832).

Nasa top 12 din sina dating DPWH Sec. Mark Villar, balik-Senado na si Alan Peter Cayetano, re-electionist na sina Joel Villanueva, Migz Zubiri, at Risa Hontiveros, at ang magkapatid na sina JV Ejercito at Jinggoy Estrada.

Paalala lang, ang nasabing bilang ng mga boto ay partial at unofficial na mula sa  COMELEC Transparency Media. --FRJ, GMA News