Kasabay ng nalalapit na Mother's Day sa Linggo, may payo si Pokwang sa lahat ng anak na mahalin ang kanilang mga nanay araw-araw.
"Hangga't buhay pa ang mga nanay ninyo, yakapin niyo araw-araw. Araw-araw niyong sabihin ang 'I love you.' Hindi lang every Mother's Day. [Dapat]Everyday is Mother's Day," sabi ni Pokwang sa isang online exclusive ng "Sarap, 'Di Ba?"
Ayon pa sa aktres, pinakamahirap na "trabaho" ang pagiging nanay.
"Walang day-off, walang 13th month pay, wala lahat 'yan. Pero buwis-buhay ika nga para sa pagmamahal," dagdag pa niya.
Nagbigay din ng paalala si Pokwang sa mga magulang huwag agad huhusgahan ang mga anak kapag nakagawa ng pagkakamali.
"Sabi nga nila, ang pagkatao natin, nagsisimula sa loob ng tahanan, kung paano tayo hinuhulma ng ating mga magulang. Pero kasi hindi rin naman natin puwedeng sisihin 'yung parents kung may nagagawang pagkakamali 'yung mga bata," paliwanag niya.
Para kay Pokwang, mas mahalagang pagtuunan ng pansin kung paano matutulungan ang mga bata sa kanilang pagkakamali, kaysa laitin ang kanilang magulang.
"Siguro 'yung mga pagkakamaling nagagawa ng mga bata, huwag nating pintasan ang mga magulang. Kunin natin 'yung matuto sila doon sa kanilang pagkakamali para habang naggo-grow sila, 'yung mistakes na nagawa nila, 'yun naman 'yung magpapatibay sa kanila at ituturo naman nila sa magiging anak nila, doon sa pagkakamali na 'Huwag niyong gagawin 'yon kasi hindi ako nag-success sa gano'n,'" anang aktres.
Dagdag ni Pokwang, obligasyon ng mga magulang na bigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak, pero hindi sila dapat laging umasa ng kapalit na obligasyon mula sa mga ito. --FRJ, GMA News