Bukod sa pagpili ng mga kandidatong iboboto sa darating na halalan sa Mayo 9, dapat alamin din ng mga botante ang mga puwede at hindi nila puwedeng gawin sa loob ng polling precinct o lugar ng botohan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag niya ang mga patakaran na inilatag ng Commission on Election sa mga lugar na pagdarusan ng botohan sa Lunes, Mayo 9.
Ayon sa ulat, mahigpit pa ring ipatutupad sa mga presinto o voting precinct ang minimum health and safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Hindi na kailangan ang face shield, vaccination card at negative result ng antigen o RT-PCR test para makaboto. Ang kailangan lamang ay magsuot ng face mask at tiyakin na nakarehistro sa lugar na pupuntahan.
Sa loob ng polling place, susuriin ang body temperature ng botante. Kung walang sinat o lagnat, puwede na siyang pumasok.
Pero kung 37.5 degrees celsius pataas, sandali kayong pagpapahingahin at muling kukuhanan ng temperatura. Kung mataas pa rin ang temperatura o may sintomas ng COVID-19, dadalhin ang botante sa nakahiwalay na isolation polling precinct para doon siya boboto.
Ang mga walang sintomas ng sakit, puwede nang hanapin ang pangalan sa nakapaskil na voter's list sa labas ng presinto.
Kapag alam na ang presinto, pumunta sa electoral board para kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng botante sa biometrix registration.
Hindi obligadong magdala ng ID ang botante pero mas makabubuti na magdala para may maipakita siya kung kakailanganin.
Ang electoral board ang magbibigay sa botante ng pag-shade at balota na kaniyang sasagutan. Suriing mabuti ang balotang ibibigay para matiyak na wala itong sira o nakasulat.
Kailangang buong bilog ang mamarkahan sa tabi ng pangalan ng kandidatong iboboto. Dapat hindi magusot, mabasa o mapunit ang balota.
Puwedeng walang iboto o mag-abstain o kulang ang iboboto sa kada posisyon.
Pero bawal ang sobra ang iboboto dahil hindi ito babasahin ng makina o vote counting machine para sa naturang posisyon.
Tig-isa ang kandidato ang iboboto sa posisyon ng presidente, bise presidente, congressman, partylist group, gobernador, bise gobernador, mayor, at vice mayor.
Habang 12 naman ang kailangang iboto sa posisyon ng senador. Ang bilang ng mga iboboto sa provincial board member ay depende sa lugar ng botante, at gayundin sa posisyon ng konsehal.
Kapag nasagutan na ang balota o nakapili na ng mga iboboto, ipasok ang balota sa VCM. Kapag nabasa na ng VCM ang balota, may ilalabas itong "resibo" na puwedeng masuri kung tama ang mga pangalan na nakalista na inyong ibinoto.
Kung tama ang nakasaad sa resibo, ihuhulog ito sa isang kahon at saka magpalagay ng indelible ink sa daliri na tanda na nakaboto ka na.
Kung hindi naman tugma ang nakasaad sa resibo sa listahan ng mga ibinoto, dapat itong i-report sa board of election inspectors para maitala.
Bawal ilabas sa presinto ang resibo, at bawal itong kuhanan ng litrato, pati na ang balota.
Bagaman hindi bawal magdala ng cellphone sa presinto, bawal itong gamitin sa loob kahit pa sa "selfie" lang sa pagboto.
Ipinagbawal ang paggamit ng cellphone sa presinto ay dahil maaari umano itong magamit sa vote buying o vote selling, ayon sa Comelec. --FRJ, GMA News