Tumestigo sa korte ang bodyguard ni Johnny Depp, na nagsabing nasaksihan niya ang ginawang pananakit umano at pagdura ni Amber Heard sa aktor sa isang insidente ng pag-aaway ng dating mag-asawa.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing tumestigo sa korte nitong Lunes si Travis McGivern, miyembro ng security team ni Johnny, kaugnay sa defamation case na isinampa ng aktor laban sa aktres matapos na palabasin umano ng huli na isa siyang wife beater, drug at alcohol addict.
Ang naturang alegasyon ay labis umanong nakaapekto sa kaniyang trabaho, ayon sa aktor.
Sa testimonya ni McGivern, sinabing nasaksihan niya nang minsang mag-away ang dating mag-asawa sa kanilang Los Angeles penthouse.
Sa naturang away, sinuntok umano ni Amber si Johnny sa mukha, binato ng lata, at dinuraan.
Inialis umano ni McGivern si Johnny sa lugar para sa "kaligtasan" nito.
"My job is to ensure the safety and well-being of my clients," anang bodyguard. "It was time to do my job and get him out of there."
Nagsampa ng defamation case si Johnny laban kay Amber kaugnay sa lumabas na ulat sa The Washington Post noong December 2018. Inilarawan dito ng aktres ang sarili na "public figure representing domestic abuse."
Hindi tinukoy ni Amber ang pangalan ni Johnny pero nagsampa ng $50 million damage suit ang aktor laban sa kaniyang dating misis dahil pinapalabas umano siyang nananakit ng asawa.
Nagsampa naman ng kontra-demanda si Amber at humingi ng $100 million damages dahil umano sa naranasan niyang "rampant physical violence and abuse" sa aktor.
Sa nakaraang testimonya sa korte ni Shannon Curry, clinical and forensic psychologist, na inupahan ng abogado ni Johnny, sinabi nito na mayroong borderline personality disorder and histrionic personality disorder ang 36-anyos na Amber.
Basahin: Amber Heard, may personality disorder, ayon sa psychologist
Dahil sa naging alegasyon umano ni Amber, naapektuhan ang trabaho ni Johnny bilang isang aktor.
Sa testimonya nitong Lunes ng agent ni Johnny na si Jack Whigham, sinabi niya na $22.5 milyon na kita sana ng aktor ang nawala nang hindi matuloy ang Disney project nito na ika-anim na pelikulang "Pirates of the Caribbean."
Hindi na umano itinuloy ng Disney ang proyekto matapos lumabas ang alegasyon ni Amber laban kay Johnny.
"After the op-ed it was impossible to get him a studio film," ani Whigham sa pito kataong jury na dumidinig sa kaso sa Fairfax County Circuit Court.
"We closed the deal on $22.5 million," ani Whigham na agent ni Johnny mula pa noong 2016, para sana sa muling pagganap ng aktor bilang si Captain Jack Sparrow sa "Pirates" franchise.
Pero nag-iba umano ang desisyon ng Disney nang lumabas ang alegasyon laban kay Johnny noong December 2018.
"I successfully made contact with them, but I was not successful in rescuing Pirates for Johnny," anang agent. --AFP/FRJ, GMA News