Sa murang edad na lima ni Alyssa Oda ng Calinan District sa Davao City, maaga na siyang namulat sa responsibilidad sa buhay sa pag-aalaga sa kaniyang 60-anyos na lola.
Alas singko pa lang ng umaga, gising na si Alyssa para maghanda ng kakainin nila ni Lola Elsa Pantorilla, at dalawa niyang batang kapatid.
Si Alyssa ang naglilinis ng isda, nagpapaapoy sa kalan, at nagluluto. Ginagawa rin niya ang iba pang gawaing bahay tulad ng paglalaba at maghuhugas ng pinggan.
Ang maglolola, magkakasamang naninirahan sa isang maliit na kubo.
Ayon kay Lola Elsa, mahigit tatlong dekada na na siyang walang paningin mula nang mabinat nang ipanganak niya ang nag-iisang anak na si Melissa, ang ina nina Alyssa.
Si Melissa raw ang umaalalay noon kay Lola Elsa. Pero ang mag-asawa ito at magtrabaho, si Alyssa na ang gumagabay sa kanilang lola at nagsisilbing mga mata.
Para kumita at magkaroon ng panggastos sa araw- araw, gumagawa sila ng walis-tingting na naibebenta nila sa halagang P25 ang isa.
Nagpupunta sila sa bundok para makuha ng mga dahon upang gawin nilang waling-tingting. Kahit bata, makikitang humahawak na ng matalim at matalas na bagay si Alyssa.
Sa isang araw, nakakapagbenta sila ng apat na piraso ng waling-tingting. Ang kinitang P100 na ang pagkakasyahin nilang panggastos.
Pero nasaan na nga ba ang ina ni Alyssa na si Melissa na dating nag-aalaga kay Lola Elsa? May makatutulong kaya sa kanilang kalagayan sa buhay?
Tunghayan sa episode na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang kahanga-hangang personalidad ni Alyssa na tiyak na nananaisin ng marami na maging anak at apo. Panoorin.
--FRJ, GMA News