Hinangaan online ang bagong Bar passer ng #BestBarEver2020_21 na inialay ang "exemplary performance" niya sa kaniyang yumaong amang tricycle driver.
Kuwento ng Bar passer at certified public accountant na si Fidel Rico Nini, inspirasyon niya sa pag-aaral ng abogasiya ang kaniyang amang si Federico.
"Hatid-sundo nya ako sa paaralan noong elementary at high school. Siya rin ang kasama ko tuwing lunch breaks. Isang mapagmahal, masipag, masayahin, at marangal na tricycle driver si Papa. He would proudly tell his fellow drivers and passengers about my achievements in school," kuwento ni Nini.
Noong 2017 ay pumanaw ang kaniyang ama dahil sa cancer. Ito rin ang unang taon niya noon sa law school. Mula raw noon ay nagpursigi pa siya lalo sa pag-aaral para makamit ang pangarap ng ama niya para sa kaniya.
ANAK NG TRICYCLE DRIVER, ABOGADO NA!!!
— Fids (@iamfifinini) April 12, 2022
With exemplary performance pa! ????
This is for you, Papa in heaven! ???? pic.twitter.com/FjwJ3VGopF
Empleyado sa bangko, naging college instructor at online tutor sa umaga habang nasa law school si Nini. Nagkayod kalabaw daw siya para may pangtustos sa sarili at sa pag-aaral niya. Kaya nang malaman niyang nakapasa siya sa Bar exam, abot langit ang tuwa niya.
"Tinawagan ako ng Bar buddy ko at kinwento ko agad sa nanay ko: Ma, pasar ko. I hugged her and we both cried," dagdag ni Nini.
Marami raw siyang nais pasalamatan sa journey niyang "with exemplary performance." Pero alay niya ang lahat ng ito sa kaniyang No. 1 fan, ang kaniyang ama.
"My Papa, I know, is super proud right now in heaven," ani Nini. – RC, GMA News