Kapag napuwing, karaniwang gawain ng tao na kuskusin ang mata. Pero babala ng eksperto, maaari itong magdulot ng mas malalang problema.
Sa programang "Pinoy MD," ibinahagi ng 21-anyos na si Erika Bellen, ang nangyaring pamamaga ng kaniyang mata matapos niya itong kuskusin.
“Nangangalakal po ako. Naramdaman ko pong napuwing po yung mata ko kaya kinusot ko po ng kamay ko,” kuwento niya.
Nasundan na iyon ng pananakit ng kaniyang ulo at pagkakaroon ng lagnat.
“Do’n na po nag-umpisa yung [pamamaga] ng mata ko,” aniya. “Napuwing po ako. Hindi na po ako naghilamos. Nagpahinga na lang po ako, natulog po kasi sa sobrang sakit ng ulo ko.”
Inakala lang ni Erika na ang kaniyang mga naramdaman ay dulot ng pagkabilad sa araw at naulanan pa at sa sobrang pagod.
Nagpatuloy ang lagnat at sakit ng ulo ni Erika. Mayroon na ring maputi na lumilitaw sa kaniyang mata at lumabo na ang kaniyang paningin.
“Makati ta’s sumasakit po yung ulo ko. Habang makati, kinukuskos ko po nang kinukuskos. Ininuman ko po ng gamot, ‘di naman po nawawala. Do’n po namaga na yung mata ko,” sabi pa niya.
Nang masuri ng duktor, lumitaw na nagkaroon ng Anterior Staphyloma ang mata ni Erika. Nangyayari ito kapag nakaranas ng "trauma" o impeksiyon ang mata.
Mas malala ang mangyayari kapag napabayaan ito.
“Nag-weaken yung pinaka-salamin ng mata, which is the cornea. When it weakens or thins out, puwede siyang mabutas,” ayon sa ophthalmologist na si Dr. Fay Charmaine Cruz.
“May possibility na nagkaroon siya ng infection dahil nakuha niya sa pangangalakal niya. Pangalawa, the rubbing also, lalo ‘pag paulit-ulit niya ginawa, can add to the problem,” sabi pa ni Cruz.
Pinayuhan na rin ni Cruz si Erika na ipasuri ang kabilang mata para makasiguro.
“Since naka-expose yung tissues ng mata, it can cause a second reaction doon sa good eye niya. Mag-react so sayang. Isa na nga lang natitira sa kanya, pwede pang mawala,” ayon kay Cruz.
Kailangan ni Erika na sumailalim sa cornea transplant para maayos ang kaniyang paningin. Gayunman, kapos siya sa pinansiyal.
“Kakailanganin ng malaking pera. P150,000 po ang nakalagay sa medical abstract. Tatanggalin na raw po yung mata ko kasi pwede raw po pumutok yung ugat na pwedeng [ipahamak] ng buhay ko,” saad niya.
Nanawagan si Erika ng tulong para sa kaniyang operasyon. Sa mga nais tumulong, maaaring tumawag kay Reynaldo Laya sa 09606011612. O magpadala ng GCash donations sa nasabi ring numero. — FRJ, GMA News