Balak sana ng isang pulis na sorpresahin ang kaniyang misis sa Valentine's Day kaya umuwi siya ng bahay sa Davao del Norte. Pero siya ang nasorpresa nang makita niyang may ibang lalaki na katabi sa kama ang kaniyang kabiyak--at ang lalaki, pulis din.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Alejal sa Carmen, Davao del Norte.

Naaktuhan umano ng 34-anyos na mister na pulis ang kaniyang 29-anyos na misis na katabi sa kanilang kama ang sinasabing kalaguyo nitong pulis na 28-anyos.

Kaagad na tumawag ng pulis ang mister para ipaaresto ang dalawa na nahaharap sa reklamong adultery. --FRJ, GMA News