Naaliw ang mga netizen sa kakaibang abilidad ng isang kalabaw sa Mindanao dahil mag-isa niyang inilalagay sa katawan ang hahataking pamatok.
Ayon kay YouScooper Yhrond Dullano, marami ang natuwa matapos niyang i-post sa Facebook ang talento ng anim na taong gulang na kalabaw sa Sultan Kudarat.
Dahil sa pambihirang talento ng hayop, pinangalanan daw ito ng amo ng "Amazing Carabao."
Sa video ni Chleur Dhe, makikita ang kalabaw na mag-isang pumuwesto sa pagitan ng pamatok. Pilit niyang kinuha ang pamatok gamit ang nguso hanggang sa maipuwesto niya sa kaniyang batok.
Ang pamatok ay ipinapatong sa batok ng kalabaw at ginagamit na panghila ng bagay.
Nasorpresa raw sila nang makita ang pambihirang abilidad ng kalabaw na puwedeng turuan.
"Iyong amo po niya ay tito ko po, si tito Joel. Tine-train niya po si Amazing Carabao. Nakakamangha po kasi bihira iyong kalabaw na marunong sa ganito," ayon kay Dullano.
"Nakakatuwa rin po kasi ang galing magturo nina Tito Joel," dagdag niya.
--FRJ, GMA News