Apat sa mga nangungunang presidential aspirants sa Eleksyon 2022 ang matapang na humarap sa "The Jessica Soho Presidential Interviews" na mapapanood sa Sabado, January 22, 2022.
Ang inaabangang panayam ay mapapanood sa GMA-7 sa ganap na 6:15 pm sa Sabado, at mapapanood din sa Eleksyon 2022 website (eleksyon2022.ph) sa GMA News Online at GMA Public Affairs’ YouTube channel, Twitter, at TikTok accounts, at iba pang social media accounts ng GMA News and Public Affairs.
Ang mga Pinoy sa abroad, maaari ding makapanood sa GMA Network’s flagship international channel, GMA Pinoy TV sa US, Canada, Middle East, North Africa, Europe at Asia-Pacific. At mapapakinggan naman sa AM station Super Radyo DZBB 594khz at sa iba pang Super Radyo stations sa buong bansa.
Sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ipinasilip ang ilan sa mga matitinding katanungan sa mga aspiranteng maging susunod na pangulo ng bansa.
Si Senador Panfilo Lacson, tinanong ni Jessica kung makatitingin ba siya sa mata ng mga tao na hindi siya nakagawa ng paglabag sa batas at karapatang pantao.
“Right now, I’m looking at you straight in the eye, Jessica. Napatunayan ng korte na talagang wala akong kinalaman,” sagot ni Lacson.
Samantala, tinanong naman si Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa mga puna sa kaniya na isa siyang “trapo” o traditional politician.
“No. I’m the president of a local party. Iyong local party namin ang nagdesisyon kung sino ang sasamahan namin na party,” paliwanag ng alkalde.
Inusisa naman si Senador Manny Pacquiao sa kaniyang pagiging kontra sa katiwalian pero nahaharap sa alegasyon ng tax deficiencies.
“Nung pumasok ako sa politika ay naging issue po ‘yan dahil ginamit ng mga kalaban ko, pero kumpleto po tayo sa papeles diyan,” sabi ni Pacquiao.
Hiningan naman ng reaksyon si Vice President Leni Robredo tungkol sa tila hindi napapansin ng mga tao ang kahalagahan ng kaniyang "lugaw" campaign.
“Kaya lang naman ‘yon nadikit sa akin kasi noong 2016 na tumakbo ako, wala rin akong resources. Iyong mga volunteers namin, ito ang ginawang fund raising activities,” ayon kay Robredo.
Hindi nagpaunlak ng panayam sa naturang forum si dating senator Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Ayon kay Soho, mabibigyan ng pagkakataon ang publiko na malaman ang mga plataporma at posisyon ng mga presidential aspirants sa iba't ibang isyu sa bansa tulad ng war on drugs at maritime dispute sa China, at iba pa.
—FRJ, GMA News