Umamin ang ama ng walong-taong-gulang na babae na natagpuan sa isang kanal sa Taytay, Rizal, na hinalay at pinatay niya ang kaniyang anak. Ang suspek, kalalaya lang dahil sa kaso sa ilegal na droga.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Romeo Garcia, ama ni Rona.

"Umamin na po 'yung tatay niya sa nagawa niyang pagkakamali roon sa kaniyang anak. May balon po kasi roon medyo malapit sa kanila. Pinaligo niya po 'yung anak niya roon ng gabi then noong pinabihis niya, sinundan niya sa may CR, pinagsamantalahan niya po 'yung bata," sabi ni Police Lieutenant Gremalyn Bernardo, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Taytay Police.

"Inamin niya po 'yun kasi nakita rin po namin na may kaunting struggle roon sa katawan ng tatay niya. Hanggang sa nataranta siya, nasakal niya 'yung bata," dagdag ni Bernardo.

Ayon sa Taytay Police, kalalaya lang ni Garcia noong Disyembre 1 dahil sa kaso ng ilegal na droga.

Bago nito, may kakaiba na rin daw na napansin ang mga volunteer tanod sa lugar tungkol sa ama ni Rona.

"May mga ulat din po na nagiging malupit siya sa anak niya. Tsaka based talaga roon sa pagkakakilala namin sa kaniya, hindi talaga [maayos] 'yung isip niya. Kasi nga po alam namin na gumagamit siya," sabi ni Janelle Apas, volunteer tanod ng Bgy. Dolores.

Linggo ng gabi nang mawala sa kanilang bahay si Rona ng Sitio Tibagan sa Barangay Dolores.

Ayon sa ama ng bata, dakong 9:00 pm ay katabi pa raw niyang natulog ang anak. Pero nang magising siya ng 11:00 pm, wala na ang anak.

Nitong Huwebes ng hapon, ilang bata ang nakapansin sa masangsang na amoy at nilalangaw sa bahagi ng loob ng kanal.

Nang gibain ang bahagi ng kanal, tumambad na ang bangkay ng biktima na may takip sa ulo at walang saplot pang-ibaba. Ang naturang kanal kung saan nakita ang biktima ay katapat lang mismo ng kanilang bahay.

Walang halos maisagot ang suspek kundi iyak nang kunan ng pahayag ng GMA News tungkol sa krimen.

Nakatakdang isailalim sa autopsy ang bangkay ng bata para matukoy ang tunay na sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Isasailalim naman sa inquest ang ama ni Rona pagkatapos niyang kunan ng judicial confession. Mahaharap siya sa reklamong rape with homicide.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News