Karaniwang ginagawang sangkap sa pagkain bilang pampalasa at pampabango ang dahon ng tanglad o lemon grass. Pero mayroon pa raw ibang pakinabang sa dahon na ito na parang damo na kapag kinuha ang katas o ginawang juice o inumin, nagpapalakas daw ito ng immune system.
Sa pagpasok nga ng taong 2022, marami ang tinamaan ng sakit at tumaas din ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Si Annie Rose Cane ng Bayugan City, Agusan del Sur, mayroong taniman ng tanglad na kanilang inaani at kinukuha ang katas o hydrosol para gawing inumin.
Kapag nagkakasakit umano siya tulad ng ubo o sipon, tubig ng tanglad daw ang kaniyang iniinom at gumiginhawa ang kaniyang pakiramdam.
At kahit sa bahay, maaaring makagawa ng tanglad juice sa pamamagitan ng pagpapakulo sa dahon nito. Pero hindi dapat patagalin ang pagpapakulo upang hindi mawala ang nutrients ng halaman.
Ayon kay Algy Bacla, certified naturopathic practitioner, 70 hanggang 80 percent ng essential oil na galing sa tanglad ay may citral.
Batay umano sa mga pag-aaral, ang citral ay maraming benepisyo tulad ng pag-prevent ng impeksyon ng mga bakterya, nagpapalakas ng lungs at immune system.
Pero paglilinaw ng mga eksperto, ang tanglad ay hindi gamot sa COVID-19 pero nakatutulong sa pagpapalakas sa resistensiya ng katawan na mahalaga lalo na sa panahong ito ng pandemic.
Bukod sa tanglad, may isa pa raw na nakatutulong na pampalakas ng immune system ng katawan--ang honey o pulot-pukyutan.
Ang pinakamaganda raw na kombinasyon ng honey kapag inuubo o makati ang lalamunan--kalamansi. Papaano ito ginagawa, tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News