Pinag-aaralan ng pamilya na kasama sa dinner party na dinaluhan ng Pinay na galing sa US at umalis sa kaniyang hotel quarantine na kinalaunan ay nagpositibo sa COVID-19, na magsampa ng reklamo laban sa babaeng binansagang "Poblacion Girl."

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, itinuturing ni Carlos Laurel, dumalo rin sa party, na iresponsable ang ginawa ng babae na kinilalang si Gwyneth Chua.

Ilan umano sa kaniyang kapatid at pinsan ang nagpositibo sa COVID-19 matapos ang naturang handaan.

“Pinag-uusapan pa po [ang pag-file ng complaint]. Our main concern at this point is magpagaling sa mga maysakit at pinag-iisipan kung ano yung pinakatamang gawin with regards to our family’s position at this point,” ani Laurel.

Ikinuwento niya na isinagawa ang family dinner dahil matagal na silang hindi nagkikita-kita na mga magkakamag-anak dahil sa pandemic.

Sinabi rin ni Laurel na nasa dinner si Chua dahil isinama ng kaniyang boyfriend na kaibigan naman ng isa niyang pinsan.

Ang naturang boyfriend ang nasabihan ng tungkol sa dinner pero hindi naman ito sumagot.

Wala umano sa miyembro ng kanilang pamilya ang personal na nag-imbita kay Chua.

“None of us. I or my cousins did not personally invite her to the dinner,” ani Laurel.

Sa 17 na dumalo sa family dinner, 13 ang miyembro ng angkan {kasama si Laurel], dalawa ang ka-date, at sina Chua at kaniyang boyfriend.

Ayon kay Laurel, dapat isipin na ni Chua ang kaniyang aksyon matapos ang insidente.

“We're all adults here. I hope you’re really moving forward, really think about your actions and the way they affect others,” saad niya.

“As much as everyone is trying to stay safe, comply with the health safety protocols, be mindful of the way your actions affect others,” dagdag niya.

Nitong Martes, isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police ang reklamo laban kay Chua at iba pa sa Makati Prosecutor's Office dahil sa paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Kasama rin sa inireklamo ang mga magulang ni Chua, limang hotel personnel, at ang kaniyang boyfriend.—FRJ, GMA News