Matapos pumila ng dalawang oras, uuwi na sanang luhaan ang isang street sweeper ng Metropolitan Manila Development Authority nang hindi makakita ng sapatos na swak sa kanyang budget.
Subalit napalitan ng tuwa ang kanyang lungkot matapos mabiyayaan ng hindi lang isa, kundi tatlong pares ng bagong sapatos, ayon sa ulat ng State of the Nation nitong Biyernes.
Nagbisikleta pa raw ang street sweeper mula Parañaque hanggang Cavite para makabili ng sapatos na pamasko raw niya sa kanyang sarili.
Naki-park muna siya ng bisikleta sa harap ng isang coffee shop na katabi ng tindahan ng sapatos.
Matapos ang dalawang oras ay lumabas ito mula sa tindahan ngunit walang dalang sapatos.
Wala raw kasing size ng sapatos na pasok sa kanyang budget.
Napansin ito ng may-ari ng coffee shop na si John Eric kaya't nagpahanap siya ng sapatos na kasya sa street sweeper at ililibre raw niya ito.
Nang malaman naman ng may-ari ng gusali kung saan naroon ang coffee shop at tindahan ng sapatos ang pangyayari ay sinabi nitong gawin nang tatlong pares ang bagong sapatos ng street sweeper at siya na raw ang bahala.
Hindi na nila nakausap nang matagalan ang street sweeper ngunit bakas sa mukha nito ang saya at pasasalamat. —KG, GMA News