Inihayag ng aktres na si Carmina Villaroel na mayroong siyang "karibal" sa atensiyon ng kaniyang mister na si Zoren Legaspi.
Sa press conference ng pagtatambalan nilang episode ng "Stories From the Heart: The End Of Us," si Zoren na mismo ang nagbisto ng "third party" sa kanilang relasyon.
"'Yun 'yung third party namin: bisikleta at motor," pahayag ni Zoren patungkol sa kaniyang libangan.
Ayon kay Carmina, hindi niya gustong magmotor ang kaniyang mister dahil sa panganib na maaaring idulot nito.
"Ayoko talagang nagmomotor [siya] dahil delikado...Wala akong kalaban-laban sa 'mistress.' Mahal niya eh," anang aktres.
Batid umano ni Zoren na kinakabahan ang kaniyang misis sa kaniyang libangan pero hindi naman daw siya mapagbawalan nito.
"Si Mina, hindi siya masaya kasi nerbyosa. Isang tingin sa 'kin 'pag naka motorcycle gear, I think it's mental torture 'pag nagmo-motor ako...Wala eh mahilig ako magmotor eh," ani Zoren.
Ayon kay Carmina, hindi sa wala siyang tiwala sa kaniyang asawa, pero hindi siya nagtitiwala sa ibang sasakyan na makakasabayan ng aktor sa kalye.
"I'm trying my best not to live in fear. Nagdadasal na lang ako," anang aktres. "I don't want to stop him. That's his happiness. If hindi siya magiging maligaya, hindi siya magiging masaya sa bahay."
"I'm trying to understand but I don't think I can accept his 'mistress,'" patuloy ni Carmina.
Ayon sa dalawa, bagaman ideal couple ang tingin sa kanila ng ibang tao, tulad ng iba ay nagkakaroon din umano sila ng hindi pagkakaunawaan.
"Hindi mawawala ang bagyo [sa pagsasama ng mag-asawa]. Dadaan ang isang marriage sa isang bagyo or dalawa or tatlo or apat...'Pag mayroong pagmamahalan kasi 'yung bagyo na 'yun is just a phase," ani Zoren.
"Nandoon 'yung respeto and pagmahahalan. Yes, we fight but na iron 'yung mga bagay-bagay. We make sure we talk about it," pahayag naman ni Carmina.
Bukod sa tiwala at pagmamahal, sinabi ni Carmina na kailangan din sa mag-asawa ang pang-unawa, panalangin at respeto.
Mapapanood ang "Stories From the Heart: The End of Us" nina Carmina at Zoren sa December 20. — FRJ, GMA News