Pagkaraan ng tatlong taon, nakauwi na sa Pilipinas ang overseas Filipino worker na si Fortunato Quileste na galing sa Qatar para magbakasyon. Pero hindi muna niya mayayakap ang kaniyang pamilya dahil sa bagong quarantine protocols na ipinatupad bunga ng banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Sabik na naghihintay ang mga pamilya ni Quileste sa labas ng paliparan sa pag-uwi ng kanilang padre de pamilya na hindi nila nakita ng tatlong taon.
“Mayakap lang [sana] siya ng mga anak namin,” sabi ni Dolly Parel, asawa ni Quileste sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes.
“Na-miss ko na si papa,” sambit ni Sophia, anak ni Quileste.
Nang dumating si Quilente, agad na nagtakbuhan ang pamilya. Pero hanggang tanaw at ngiti muna sila sa isa't isa dahil bawal yumakap sa kanila ang kanilang padre de pamilya.
“Mahirap, mahirap sa isang OFW tatlong taon na hindi nagkita tapos ganito pa. Fifteen days lang yung bakasyon ko,” hinaing ni Quileste.
“Makasama sana [siya] kaso may harang na pandemic, quarantine. Wala, tiis muna,” ayon sa kaniyang maybahay.
Inihayag kamakailan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang bagong testing at quarantine protocols mula sa mga darating na galing sa ibang bansa na hindi kasama sa red list.
Sa bagong patakaran, ang mga fully vaccinated traveler ay kailangan ng negative RT-PCR test na ginawa sa loob ng 72 oras bago sila umalis sa pinanggalingang bansa.
Kailangan nilang sumailalim sa facility-based quarantine, at sasalang muli sa RT-PCR test sa ikalimang araw nila sa Pilipinas.
Kahit negatibo ang resulta, kailangan pa rin nilang sumailalim sa home quarantine sa loob ng 14 araw.
Samantala, ayon sa Bureau of Quarantine (BOQ), mayroong 4,500 OFWs ang dumarating sa Pilipinas bawat araw. Kailangan nilang manatili sa quarantine facility.
Tiniyak naman ng Department of Health (DOH), na sapat ang quarantine facilities para sa mga dumarating na OFWs.
“May mga for swabbing pa rin po. Pero karamihan nag-negative na rin po sa result. Lahat po naman ay wala po tayong nakikitang sintomas hanggang ngayon. Tatapusin po nila ‘yung 14 days quarantine,” ayon kay BOQ official Dr. Roberto Salvador Jr.
— FRJ, GMA News