Inihayag ng TV-host na si Arnell Ignacio, na opisyal din ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na ibinabahagi niya ang kuwento ng buhay ni Willie Revillame sa mga overseas Filipino worker (OFW) para magsilbing inspirasyon.
Naging bisita si Arnell sa programang "Wowowin-Tutok To Win," para ibahagi ang mga programang ginagawa ng OWWA upang matulungan ang mga OFW lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Arnell, deputy administrator ng OWWA, lagi niyang ibinabahagi sa mga pagtitipon ng OFWs ang kuwento ng buhay ni Kuya Wil na hindi sumuko sa pagsubok sa buhay hanggang sa naabot ang tagumpay.
Aniya, sinabi niya sa mga OFW na tularan si Kuya Wil na wala sa bokabularyo ang sumuko na, "Kapag gusto, gusto [gagawin]."
Sabi pa ni Arnell, may mga OFW na madaling panghinaan ng loob at gusto nang sumuko kapag naharap sa pagsubok.
Anang TV host at public official, nagbibigay ng inspirasyon sa mga OFW ang buhay ni Kuya Wil.
Bago naging isang sikat na TV host at komedyante, nagsimula si Kuya Wil bilang drummer at isa sa "Hawi Boys" ng singer na si Randy Santiago.
Napag-usapan nina Arnell at Kuya Wil ang una nilang sahod nang nagsisimula pa lang sa entertainment industry.
Ayon kay Arnell, P175 ang kinikita niya sa sing-along, habang mas maliit naman si Kuya Wil na P50 sa pagtugtog sa isang club.
Kasabay nito, tiniyak ni Arnell sa mga OFW na walang ibang hangad ang mga kawani sa OWWA kung hindi ang mapagsilbihan ang mga migranteng manggagawa.
Kung natatagalan man ang tugon sa mga hinaing ng OFWs, sinabi niya na dahil ito sa mga proseso ng kailangan nilang sundin.
Nakiusap din si Arnell sa mga OFW ng pang-unawa at daanin sa mahinahong salita ang pakikipag-ugnayan sa mga kawani ng ahensiya.
Sinabi naman ni Kuya Wil na kailangan din unawain ang kalagayan ng mga OFW, lalo na ang mga may pinagdadaanan. --FRJ, GMA News