Ikinuwento ng GMA reporter na si Raffy Tima na naging bahagi siya noon ng sikat na youth oriented show na "That's Entertainment." Pero hindi bilang artista kung hindi voiceover sa programa.
Sa Bawal Judgemental segment ng Eat Bulaga nitong Miyerkoles, inilahad ni Raffy, na nang magtapos sa kursong Mass Communication, Minor in Psychology, nagtrabaho siya sa isang magazine at magsulat sa dyaryo.
Nakapag-training din si Raffy sa isang FM radio station, saka siya kinuha sa Channel 13, at makaisang taon doon , hanggang sa lumipat na siya sa GMA-7.
Nakapag-voiceover job si Raffy sa "That's Entertainment" kahit na intern pa lamang siya noon.
"Nag-practicum ako noon sa 'That's Entertainment.' Ang ginagawa namin nagbibigay ng script, 'yung iba nagtitimpla ng kape," kuwento ni Raffy.
"Umabsent 'yung isa sa kanilang voiceover talent tapos wala silang makuha. Sabi ng schoolmates ko sa FD (floor director), 'Si Raffy po nagvo-voice over 'yan sa school,'" patuloy niya.
Dahil live ang programa at wala nang ibang makuha, siya na ang pinag-voice over.
" Live kasi noong time na 'yun... wala na silang makuha. 'Sige nga subukan natin, bigyan mo ng mic 'yan. Ito 'yung basahin mo,'" anang GMA News reporter.
"Natuwa naman 'yung FD, so ako na 'yung nag-voiceover for the rest of the show. Several times kapag absent 'yung voiceover nila, kinukuha na rin ako,'" dagdag ni Raffy. "Nagkaroon ako ng confidence dahil sa experience na 'yon."
Sinabi rin ni Raffy na madalas na tungkol sa mga giyera ang hindi raw niya malilimutang karanasan bilang isang journalist.
"Isa sa mga hindi ko talaga makakalimutan, noong tinutukan kami ng tangke sa Iraq," sabi ni Raffy.
"Medyo napalapit kami sa convoy ng mga Amerikano, eh masyado silang maingat... kapag may mga sasakyang lumalapit, talagang wina-ward off nila... Nag-swing talaga 'yung turret papunta sa direksyon namin. Nakakatakot kasi alam ko na may history talaga na may mga nami-misfire, may mga mistaken identity," saad niya.
"Buti na lang naka-vest ako tapos meron akong ID, may Philippine flag 'yung sasakyan namin, nilabas namin."
Ayon kay Raffy, may mga insidente ng mga reporter na tinamaan at namatay sa kalagitnaan ng coverage sa giyera.
"Ingat lang talaga. Pinag-aaralan ko pagka bago pumunta sa isang lugar, pinag-aaralan namin kung ano 'yung dangers," sabi pa ng batikang broadcast journalist.
--FRJ, GMA News