Matapos mang-agaw ng cellphone at maaresto sa Maynila, nakiusap ang isang snatcher na huwag na siyang kasuhan at ibigay na lang bilang maagang pamasko ang kaniyang kalayaan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing sakay ng jeep ang suspek na si Ariel Guzman, nang agawin nito ang cellphone ng kaniyang kapwa pasahero at saka tumakas sa Sampaloc, Manila nitong Martes ng umaga.
Pero hinabol siya ng mga tao, at ng pulis na si Police Staff Sergeant Mark Anthony Taay, na napadaan sa lugar habang papasok sa trabaho.
Sa dami ng humabol, hindi na nakawala si Guzman at nabawi sa kaniya ang inagaw na cellphone.
Nang makita ng babaeng biktima ang suspek na nakadapa sa kalye, sinipa niya ito dahil sa matinding galit.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong si Guzman sa kasong pananakit, at miyembro umano ito ng Bahala Na Gang.
Paliwanag niya, nagawa niya ang krimen dahil sa hirap ng buhay at maysakit daw ang kaniyang anak.
Pero dahil sa desidido ang biktima na sampahan siya ng reklamo, nakiusap ang suspek na huwag na itong ituloy ay ipamasko na lang sa kaniya ang kaniyang kalayaan.
Tutal naman daw, naibalik sa biktima ang kaniyang cellphone.--FRJ, GMA News