"Ito ang sabihin sa mga taong pinanghihinaan ng loob: Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa iyong mga kaaway." (Isaias 35:4-7)
Sa panahon ngayon ng pandemiya, marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho, nawalan ng pagkakakitaan, at maraming negosyo ang nagsara dahil sa pagkalugi.
Higit sa lahat, marami sa ating mga kababayan ang tinamaan ng Covid-19, at mayroon mga pumanaw. Walang sinasanto ang pandemic sapagkat ang mga mayaman at mahirap ay kapuwa hindi nakaligtas.
Dulot ng matinding problema na pinagdaanan nating lahat, marami sa atin ang halos mawalan na ng pag-asa at pinanghinaan na ng loob. Ang iba nga marahil ay umabot na sa sukdulang mawalan na rin ng tiwala sa ating Panginoong Diyos.
Ang pakiramdam marahil nila, masidhi naman ang kanilang pananalangin pero bakit parang pinabayaan sila at hindi yata nadinig ng Panginoon ang kanilang pagsusumamo.
Pero lagi nating alalahanin na hindi bulag, hindi manhid at hindi bingi ang ating Panginoong Diyos para sa mga humihingi sa Kaniya ng awa at tulong. Hindi kailanman pababayaan ng Diyos ang mga taong mayroong maigting na pananalig sa Kaniya.
Ito ang mga tao na sa kabila ng matinding unos o pagsubok na pinagdadaanan sa buhay ay nananatiling matatag sa kanilang pananampalataya. Tila sila mga bato sa dalampasigan na hindi matitinag sa hampas ng naglalakihang alon.
Tinitiyak din sa atin ni Propeta Isaias (Isaias 35:4) na hindi tayo dapat matakot. Sa halip ay lakasan natin ang ating loob dahil hindi tayo pababayaan ng Panginoon.
Minsan, may mga taong natatangay ng labis na pag-aalala at tuluyan silang nawawalan ng tiwala sa Diyos. Hinayaan nila ang sarili na malunod sa labis na pagkabalisa. Sa halip na sila ay maging mahinahon, manalangin sa Panginoon at hingin ang Kaniyang awa at tulong.
Ganito ang nangyari kay Simeon Pedro nang minsang naglalayag ang bangkang sinasakyan nila kasama si Hesus. Hinagupit ng malalakas na alon ang kanilang bangka at siya ay natakot na malunod at nawalan ng pananalig kahit pa kasama niya si Hesus. (Mateo 8:23-27)
Binibigyan tayo ng pag-asa ng Panginoon na anuman ang ating mga problema at pinagdadaanan sa buhay ay hindi Niya tayo kailanman iiwan at pababayaan. (Isaias 35:5)
Ang tigang lupa ay muling babalong ang saganang tubig. Tinitiyak ng Panginoon na ang ating malamlam na buhay dulot ng mga problema ay muling pasasaganain ng Diyos ng Kaniyang nag-uumapaw na grasya at biyaya. (Isaias 35:7)
Tutuparin ng Diyos ang Kaniyang mga ipinangako. Hindi mananatiling parang isang tuyong lupa ang ating buhay dahil aayusin ito ng Panginoon at pasasaganain Niya tulad ng isang batis na dumadaloy ang saganang tubig.
Ang bawat isa sa atin may kaniya-kaniyang krus na pasan. Pero dahil mahal tayo ng Panginoon, hindi niya hahayaan na pasanin natin itong mag-isa sa habang panahon. Asahan na darating ang sandali na mayroon aagapay sa ating upang mapagaang ang krus na ating dala-dala. Magtiwala lamang tayo sa Kaniya.
Manalangin Tayo: Panginoon. Bigyan Mo po nawa kami ng lakas ng loob na magpatuloy sa buhay na ito, sa kabila ng mga problema o krus na aming pinapasan. Alam namin na hindi Mo kami pababayaan sapagkat bilang mga Anak Mo ay hindi Mo matitiis na makitang kami ay nagdurusa. AMEN.
--FRJ, GMA News