Maraming Pinoy ang naniniwala na may kahulugan ang bawat nunal sa katawan. Pero paano kung tadtad ng nunal ang katawan mula ulo hanggang paa?
Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala ang 34-anyos na si Paolo Cagomoc, na bukod sa tadtad ng mga nunal ay may tila malaking balat din sa likod ng katawan.
Ayon sa ina ni Paolo na si Aida, napansin na raw agad niya ang mga nunal ng anak mula pa lang nang isilang niya ito.
Sa paglaki ni Paolo, lumaki rin at dumami pa ang mga nunal ng binata.
Naging mahirap din umanong alagaan si Paolo noong bata dahil madaling magdugo ang mga nunal kapag nasagi.
Ang mga damit daw ni Paolo, kailangang manipis lang upang hindi magasgas ang mga nunal niya at nang hindi magdugo.
Naniniwala si Nanay Aida na nakuha ng anak niya ang mga nunal dahil sa paglilihi niya noon sa butong-pakwan.
Samantala, dahil sa mga nunal, sinabi ni Paolo na madalas siyang makaranas noon ng pangungutya.
May pagkakataon din umano na hanggang ngayon ay may mga kapuwa siya pasahero sa pampublikong sasakyan na iniiwasan siyang tabihan.
Pero natutunan na ni Paolo na huwag magpaapekto sa ibang tao. Katunayan, mayroon siyang TikTok account.
Nagtatrabaho na rin si Paolo at mayroon na rin siyang nobya.
Pero ano nga ba ang kondisyon ni Paolo na tinatawag na Melanocytic Nevi, na dahilan ng marami niyang nunal. May kinalaman nga ba ito sa paglilihi noon ng kaniyang ina sa butong-pakwan? Panoorin ang buong pagtalakay sa video na ito ng Pinoy MD.
--FRJ, GMA News