Humingi ng paumanhin si Boobay kay Marian Rivera dahil ibinahagi ng TV host kung papaano siya tinulungan ng aktres nang magkaranas ng stroke noong 2016.
Sa "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga" kamakailan, isa si Boobay sa guest choices patungkol sa mga taong nalagay sa alanganin ang buhay.
Ginamit na pagkakataon ng Kapuso TV host ang "Bawal Judgmental" para pasalamatan ang lahat ng tumulong sa kaniya na malampasan ang kaniyang pinagdaang pagsubok sa buhay.
Kabilang dito ang kaniyang pamilya, mga kaibigan, at iba pa, pati na si Marian.
Naluluhang ipinaliwanag ni Boobay na ayaw ng Kapuso Primetime Queen na banggitin ang ginawang pagtulong sa kaniya.
Ayon kay Boobay, si Marian ang nagpalipat sa kaniya ng pagamutan nang ma-stroke siya upang matiyak ang kaniyang paggaling.
"Siyempre ang aking My Loves, Marian Rivera," naiiyak na sabi ni Boobay.
"Ayaw na ayaw niyang binabanggit ko siya tungkol sa ganito pero, Yanyan, kung hindi dahil sa'yo siguro wala talaga ako rito," ani Boobay.
"Kung hindi mo ako nilipat ng ospital para magawa 'yung mga proseso para bumalik ang memorya ko," patuloy ng komedyante.
Ayon kay Paolo Ballesteros, "Mabait talaga yang si Yanyan."
"Totoo!," dugtong naman ni Alan K.
Lumitaw sa pagsusuri sa ospital na nakaranas ng "mild stroke" si Boobay.
Mabuti umano na kaagad siyang nadala sa ospital at naagapan ang kaniyang kalagayan sa pagbara ng dugo sa utas.
Nagpasalamat din si Boobay sa kaniyang ex-partner na si Kent Resquir, na nakapansin sa mga sintomas na nakararanas na siya ng stroke at kaagad siyang dinala sa ospital.
Kabilang sa naransan ni Boobay ang panghihina o pagkawala ng kaniyang memorya, hindi maitaas ang dalawa niyang kamay at hindi niya masabi ang mga salitang ipinabibigkas sa kaniya.
Isang buwan siyang naratay sa ospital, kung saan nakaranas din siya ng depresyon.
Dahil sa naging karanasan, sinabi ni Boobay na natuto na siyang pahalagahan ang kaniyang pangangatawan o kalusugan.
"'Yun ang hinihingi ko ng tawad kay Lord, kasi noong binigay Niya sa akin ang pagkakataon na makapag-perform almost every night, inabuso ko ang sarili ko. Na nagtrabaho ka na nga, kumita ka na nga, tumanggap ka pa ng iba na naman," sabi ni Boobay.
"So ngayon sabi ko, hindi na, iba na, hindi na basta pera-pera na lang. Matuto kang magpahinga, para maipagpatuloy mo pa rin ang ibinigay sa'yo," dagdag ni Boobay.
"Siguro kaya ako binigyan ng pagkakataon pa ulit, kasi may purpose pa ako na magpasaya ng mga tao," anang The Boobay and Tekla Show host.
Nagbigay naman ng payo si Allan K, ang tumatayo na ring ama-amahan ni Boobay.
"Huwag masyadong abusuhin ang katawan, kasi ako, ayoko nang puntahan ka ulit at tatanungin kita kung kilala mo ako," emosyonal na sabi ni Allan.
Emosyonal din na ikinuwento ni Allan na hindi siya nakilala ni Boobay nang bisitahin niya ito sa ospital.
"Tinanong ko kung kilala niya 'ko, sabi niya 'Oo.' [Tanong] ko 'Anong pangalan ko?' Humingi siya ng saklolo sa mga tao sa paligid, ang sabi niya 'Ano na nga pangalan niya?,'" ayon kay Allan.
"Siyempre nasaktan din ako, kasi anak-anakan ko ito eh," sabi pa ni Allan.
Si Allan ang nagbigay ng break kay Boobay na magtanghal sa kaniyang mga comedy bar.
Nang malaman ni Allan na lumuluwas pa ng Bagiuo City si Boobay kapag nagtatanghal sa Maynila, at uuwi muli sa Baguio, sinabihan ni Allan si Boobay na umupa na lang ng matitirhan sa Maynila at papayagan na niya itong magtanghal araw-araw.--FRJ, GMA News