Hindi na raw natiis ng isang babae ang ginagawang pananakit at pagbibitiw sa kaniya ng masasakit na salita kaya nasaksak niya ng dalawang ulit ang kaniyang kinakasama sa Cabugao, Ilocos Sur
Ayon sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," nakikipag-inuman ang biktima sa Barangay Pug-os nang mangyari ang krimen.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagbitaw umano ng masasakit na salita ang biktima laban sa kaniyang kinakasama na itinago sa pangalang "Marites," na nakararanas din umano ng pisikal na pananakit.
"Ang pangit mong babae, walang silbi, lumayas ka dito," kuwento ni Marites.
"Paulit ulit...binubogbog, sinasabunutan ganun maam. Lahat na ng ano...sinasakal, sinisipa, kung anong mahawakan niya ibabato niya," patuloy ng suspek.
Ayon pa kay Police Major Franco Catalan, office in chagre ng Cabugao Police Station, sinabi rin umano ng suspek na ipinahiya siya ng biktima sa harap ng ibang tao.
"Narindi na rin itong ano natin sa pagtitimpi niya. Kaya nung nakakuha raw siya ng kutsilyo, isinasaksak niya doon sa kaniyang kinakasama," sabi ni Catalan.
Nagtamo ng dalawang saksak sa tagiliran ang biktima na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Nagkausap na raw ang biktima at suspek at pareho umanong silang humingi ng kapatawaran sa isa't isa.
Gayunman, desidido raw ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo laban kay Marites.--FRJ, GMA News