Sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ng mga beterinaryong sina Doc Ferds Recio at Doc Nielsen Donato kung paano sila napasok sa pagiging hosts ng programang "Born to be Wild" na 14 na taon na ngayon.

Si Doc Ferds ang isa sa mga original host ng programa na nagsimula umano bilang resource person sa mga GMA program bilang isang vet.

Nang gagawin na ang programang "Born To Be Wild," pinag-audition bilang host na kaniya namang ginawa.

Noong una, plano lang ni Doc Ferds na subukan ang pagiging host ng anim na buwan dahil paalis na siya noong patungong Amerika.

Pero dahil nagustuhan niya ang kaniyang ginagawa, ang planong anim na buwan, inabot na ngayon ng 14 na taon.

Samantala, pumasok naman bilang host ng "Born To Be Wild" si Doc Nielsen noong 2011.

Kuwento ni Doc Nielsen, hindi niya kaagad tinanggap ang alok na subukan ang hosting dahil kabubukas lang niya noon ang kaniyang animal hospital na Vets In Practice.

Pero pagkaraan ng ilang taon, muli siyang inalok ng GMA at doon na nagsimula ang bagong adventure sa kaniyang propesyon bilang isang beterinaryo.

Ano nga ba ang sikreto ng "Born To Be Wild" para tumagal ng 14 na taon, at anong mga episode ang mga paborito nina Doc Ferds at Doc Nielsen na kanilang ginawa?

Nagbigay sila ng tips para sa mga pet owner. Panoorin ang video.

 

--FRJ, GMA News