Bilang pasasalamat sa pagsasakripisyo ng kanilang mga magulang para makapagtapos sila ng pag-aaral, niregaluhan ng mga anak ng bagong bahay at kotse ang kanilang ama at ina. Ang kanilang padre de pamilya, tuloy sa pagkayod bilang tricycle driver.
Sa "Stories of Hope," ipinakilala ni Jerry Calata, 51-anyos, ng Valenzuela City ang apat na anak na iginapang niya ang pag-aral ngayon ay mga propesyonal na: si Fatima, isang electrical engineer na nangibang-bansa; si James, isang civil engineer; si Cecile, teacher na nangibang bansa rin; at John, isang mechanical engineer.
Hindi na nakapagtapos ng pag-aaral si tatay Jerry, at tinulungan na lang ang kaniyang mga magulang sa pagsasaka sa Cabagan, Isabela.
Ang misis naman niyang si Cely, dating nagtatrabaho sa pabrika ng tsinelas at namasukan sa pananahi noong nag-high school na ang mga bata.
Nang isilang ang kanilang panganay, nawalan ng trabaho si Jerry kaya namasada siya bilang tricycle driver. Naranasan din nilang makitira na pamilya ng kaniyang kapatid.
Dumaan ang hirap kina Jerry at Cely nang sabay mag-high school ang tatlo nilang anak.
"Budget talaga. Araw-araw nilalagay ko sa notebook 'yung para sa obligasyon, lahat ng bayarin, tapos ang tira no'n, ilalaan na ni misis sa panggastos," ayon kay Jerry, na inilahad na dumating ang ilang pagkakataon na nangutang din sila.
Sa kabila ng hirap, hindi itinigil nina Jerry at Cely ang pagpapa-aral sa high school at kolehiyo ng kanilang mga anak, dahil ayaw nilang masaktan ang damdamin ng mga ito.
"Idinadaan na lang sa talagang pagtitipid," sabi ni Jerry.
Hindi naging hadlang ang kahirapan sa magkakapatid, na pumasok sa pagtatrabaho sa fastfood at iba pang paraan ng pagkakakitaan.
Hanggang sa makapagtapos ang naunang tatlo sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, habang nagtapos ang bunso sa Technological University of the Philippines.
"Awa ng Diyos, kaming apat naman, one take lang lahat sa board exam, dahil na rin sa pagsisikap at tulong na rin ni Lord sa paghihirap nina nanay at tatay," sabi ni James Calata.
Nang makapagtapos ng pag-aaral, napagkasunduan na ng magkakapatid na tulungan ang kanilang mga magulang na iahon sila sa hirap, dahil wala silang sariling bahay at lupa.
Kaya 2015 nang hulugan ng magkakapatid ang lupa mula 2015 hanggang 2018 na nagkakahalaga ng P800K.
Taong 2016 naman nang pagtulungan ng magkakapatid ang pambili sa ipinapasadang motor ng kanilang ama para meron na itong permanenteng nailalabas.
Taong 2018 simulan na ang pagpapagawa ng kanilang bahay, kung saan mahigit P2 milyon ang kanilang nagastos. Meron itong tatlong kwarto na tulugan at dalawang banyo.
Nobyembre ng 2020 nang matapos ang golden birthday year nina Jerry at Cely, binilhan sila ng birthday gift ng kanilang mga anak.
"Ang pakiramdam ko na saya, parang 'yung pakiramdam ko rin noong isa-isa silang nakapagtapos at lalo noong nakapasa sila sa board," sabi ni Jerry.
--FRJ, GMA News