Nauwi sa trahediya ang shooting ng "Rust," matapos iputok ng Hollywood actor na si Alec Baldwin ang baril na blangko dapat bilang "prop gun" pero napatay nito ang babaeng cinematographer at nasugatan din ang kanilang direktor.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nangyari ang insidente sa New Mexico, kung saan kinukunan ang pelikulang may temang 19th-century western at pagbibidahan mismo ni Baldwin.
Sa pahayag na inilabas ng sheriff sa Santa Fe, sinabing sina Halyna Hutchins, 42-anyos at Joel Souza, 48, "were shot when a prop firearm was discharged by Alec Baldwin."
Isinakay sa helicopter si Hutchins para madala sa ospital pero binawian siya ng buhay. Nagpapagaling naman si Souza sa tinamong sugat.
Ayon kay Santa Fe sheriff spokesman Juan Rios, isinalang sa panayam si Baldwin ng mga imbestigador, at pinayagan ding makaalis pagkatapos.
"He provided statements and answered their questions. He came in voluntarily and he left the building after he finished his interviews. No charges have been filed and no arrests have been made," ayon sa opisyal.
Sa ulat ng pahayagang The Santa Fe New Mexican, sinabing nakita ang aktor sa parking lot ng set matapos ang insidente.
Umiyak din umano ang aktor matapos tanungin ng mga imbestigador.
Sinabi naman sa The Hollywood Reporter ng spokesperson mula sa produksiyon na "prop gun with blanks" ang sangkot sa "aksidenteng" nangyari.
Ginawa ang shooting sa Bonanza Creek Ranch, ang lugar na madalas pagdausan ng mga Hollywood filmmaker.
Hindi ito ang unang insidente na sangkot ang "prop weapons" sa aksidente sa shooting na may nasasawi.
Sa ganitong paraan din nagwakas ang buhay ni Brandon Lee, anak ng martial arts legend Bruce Lee, habang ginagawa ang pelikula niyang "The Crow."
Kabilang sa mga pelikulang ginawa ni Baldwin ay ang "The Hunt for Red October" at nakasama rin siya sa dalawang pelikula ng "Mission: Impossible" franchise. —FRJ, GMA News