Inihayag ng isang retired OFW kay Willie Revillame na suportado at hinangaan niya ang desisyon ng TV host na huwag kumandidato sa Eleksyon 2022.
Ayon kay Rey, na natawagan sa programang "Wowowin-Tutok To Win," lalong niyang hinangaan si Kuya Wil nang hindi ito sumali sa darating na halalan.
"Totoo naman yung sinabi mo [Willie], mas marami kang matutulungan sa programa mo kaysa sa Senado," anang lucky caller.
"Guguluhin lang nila buhay mo, sisira-siraan ka lang nila doon," dagdag pa niya.
Bago matapos ang takdang araw sa paghahain ng certificate of candidacy, inihayag ni Kuya Wil na hindi siya tatakbo sa pagka-senador dahil sa pag-amin na wala siyang alam patungkol sa trabaho bilang mambabatas.
Naniniwala rin ang TV host na mas makatutulong siya sa mga tao lalo na ngayong panahon ng pandemya kung ipagpapatuloy niya ang kaniyang programa.
Ang pasya ni Kuya Wil na huwag tumakbo ay ginawa niya kahit pa mataas ang rating niya sa mga survey patungkol sa mga posibleng maging senador.
Ikinuwento rin ni Rey, na nagsimula siyang manood ng programa ni Kuya Wil muna nang makita niya ang TV host sa Mindoro na naghahakot ng bigas noong nakaraang taon.
Matatandaan na ilang buwan na nanatili sa Mindoro si Kuya Wil nang abutan doon ng lockdown dahil sa pandemic.
Habang nasa Mindoro, nagpatuloy pa rin si Kuya Wil sa pagtulong gaya ng pamimigay ng bigas sa mga residente doon.
Humanga naman si Kuya Wil sa lawak ng pananaw ni Rey na nagawang mapagtapos ng pag-aaral ang tatlong anak noong nagtatrabaho pa siya sa ibang bansa.
Dahil tingin ni Kuya Wil ay maprinsipyong tao si Rey, nagbiro siyang baka hindi tatanggap ng regalo mula sa programa ang dating OFW.
Alamin ang nakatutuwang sagot ni Rey sa video. Panoorin.
--FRJ, GMA News