Binalikan ni Maricel Laxa-Pangilinan ang desisyon niya noon na iwan na ang showbiz matapos silang ikasal ni Anthony kahit 23-anyos pa lang siya.

Sa isang episode ng Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga, ikinuwento ni Maricel, na nagdesisyon siya noon na iwan agad ang showbiz matapos siyang magpakasal.

"Actually, the minute na nag-asawa ako, sabi ko sa asawa ko 'Retired na ako.' Kaya ang aga kong nag-asawa, 23-years-old pa lang eh," kuwento ni Maricel.

Pero pinigilan siya ng mister na magretiro agad dahil wala pa naman silang anak nang panahon na iyon.

"Anyway wala pa naman daw kaming anak. So bakit ko naman daw aaksayahin 'yung panahon?," patuloy niya.

Dahil dito, ipinagpatuloy pa rin ni Maricel ang kaniyang showbiz commitments na tumagal pa ng tatlong taon dahil hindi sila magkaanak pa.


"After three years, nagkaroon na ako ng anak. And then for five years, apat 'yung anak ko," natatawang sabi ng dating aktres.

"They came one after the other. Kaya sabi ko 'Wow, I have my hands full. I'm so busy at saka kailangan talaga na 'pag nagkaanak ka na, para sa akin, talagang ibigay mo lahat ng atensyon mo, ng oras mo. And na-enjoy ko naman talaga sobra," patuloy niya.

Nagkaroon daw ng pag-aalala ang mga kamag-anak at kaibigan ni Maricel kung bakit matagal silang hindi magkaanak noon ni Anthony.

"Actually 'yung first baby namin, lahat nagtataka, 'Bakit ang tagal-tagal niyong hindi magka-baby?' Tapos sabi namin 'Eh hindi pa time.' Pero nag-aalala rin sila, may problema pa. Tapos nu'ng dumating naman, sunod-sunod naman. O ayan. Talagang you cannot please everybody. Noong sunod-sunod naman at ang dami kong anak, bakit ang dami ko raw anak?"

Anak nina Maricel at Anthony sina Donny, na isa ring aktor, Hannah, Ella, Benjamin at Solana.-- FRJ, GMA News