Babalik sa pangangampanya ang mga dating bise presidente na sina Jejomar “Jojo” Binay at Noli de Castro para tumakbong senador sa Eleksyon 2022.

Nitong Huwebes, naghain ng kaniyang certificate of candidacy si Binay para tumakbong senador sa ilalim ng kaniyang partidong United Nationalist Alliance (UNA).

“We learned during this pandemic how the people have been deeply neglected. We need to fix this,” sabi ni Binay sa pahayag.

Dapat umanong unahin ng susunod na administrasyon ang paghahanap ng trabaho sa may apat na milyong katao na nawalan ng hanapbuhay, mahigit tatlong milyong pamilya ang nakaranas ng gutom at libu-libong maliliit na negosyo ang nagsara dahil sa pandemic.

“Looking forward, we should work to rebuild our economy in a way that puts priority on creating stable jobs. We should reform our health care system. And the safety, welfare, and well-being of the people should always be our foremost concern,” pahayag niya.

“I have been in public service for more than 30 years. This is what I will offer to our people,” dagdag ni Binay.

Naging bise presidente si Binay sa panahon ng liderato ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Noong 2016 elections, tumakbong pangulo si Binay pero natalo sa noo'y alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte.

Sumabak naman siya bilang kongresista ng Makati noong 2019, pero nabigo rin.

Samantala, sumapi naman si dating VP Noli de Castro sa partido ni Manila Mayor Isko Moreno na Aksyon Demokratiko bilang paghahanda sa pagsabak sa senatorial race.

“Former Vice President and broadcaster Noli de Castro has joined Manila Mayor Isko Moreno Domagoso’s Aksyon Demokratiko party,” saad sa Facebook page ni Moreno.

“The 72-year-old broadcaster, who announced his departure from ABS-CBN this morning, is set to run in next year’s senatorial race,” patuloy nito.

Nagsilbi si de Castro bilang vice president sa liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.--FRJ, GMA News