Dati raw sementeryo ang lugar na kinatitirikan ng bahay ng pamilya sa Bautista sa Apalit, Pampanga. At sa nakalipas na mga taon, isang malaking palaisipan sa kanila ang mga katok na nagmumula sa dingding na kanilan naririnig kahit sa gabi at madaling araw.
Ayon sa mag-asawang Noel at Angelita, noong una ay inakala lang nilang mayroon silang kapitbahay na nagkukumpuni ng bahay at nagpupukpok kaya sila nakakarinig ng katok.
Pero ang mga katok, naulit nang naulit, hanggang sa tumagal na nga ng ilang taon.
Taong 1978 nang maitayo ang bahay nila sa lugar.
Pero ayon sa mga matatanda, bago pa man magkaroon ng mga bahay sa lugar, tinatawag itong "Pulong Bungo" dahil sa dati itong sementeryo at maraming nakikitang bungo.
Ikinuwento rin ni Angelita na nakakaramdam din siya ng kakaiba sa kanilang bahay na tila may kasama siya pero wala namang ibang tao.
Ang kanilang anak, may nakita raw na babaeng nakabestida na inakala niyang lola niya pero kinalaunan ay natuklasan niyang wala rin siyang kasama.
Itinanggi na ng mga kapitbahay ng mga Bautista na sila ang lumilikha ng mga katok, na minsan na ring nairekord ng pamilya.
Para malaman kung may kababalaghang nangyayari sa bahay ng mga Bautista, nagtungo roon ang paranormal investigator na si Ed Caluag.
Sa kaniyang pagsisiyasat, mayroon siyang napansin sa dingding na posibleng may koneksiyon sa misteryosong mga katok.
Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," at alamin ang paliwanag ng isang engineer sa posibleng dahilan ng ingay sa bahay ng mga Bautista. Panoorin.
--FRJ, GMA News