Inihayag ng mga awtoridad sa Catmon, Cebu na nakita na ang mga labi ng tatlong magkakaanak na tinangay ng rumaragasang tubig sa Tinubdan Falls noong Linggo.
Unang nakita ang mga labi ni Kent Jude Monterola, 17-anyos, ilang oras matapos mangyari ang insidente.
Sa ilog naman nakita ang katawan ng pitong-taong-gulang na si Princess Alastra.
Sa video na kuha sa nangyari flash flood, makikita na sinikap na iligtas ni Jacel Alastra ang kaniyang anak na si Princess pero pareho silang tinangay ng rumasagasang tubig.
Sa panayam ng GMA News’ Unang Balita, sinabi ni Police Senior Master Sergeant Ben Naveles, na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Carmen Police Station nitong Martes ng umaga na isang bangkay ng babae na lumulutang sa dagat ang nakita ng mangingisda.
“May natanggap rin kaming report galing sa Carmen Police Station na may mangingisdang nakatagpo ng babaeng patay na palutang-lutang sa karagatan ng Barangay Luyang, Carmen, Cebu,” aniya na aalamin kung ito ang katawan ni Jacel.
Sunod nito, idineklara ng Catmon Police sa GMA News Online na nakita na ang mga katawan ng tatlong biktima.
Nagtungo ang mga biktima, kasama ang kanilang mga kaanak sa talon para mag-picnic at matampisaw sa tubig.
Maganda naman umano ang panahon pero biglang rumagasa ang tubig sa talon. Pinaniniwalaan na nagkaroon ng malakas na buhos ng ulan sa kabundukan.
Sa panayam ng GMA Network’s Unang Hirit, kina Carlos Dolendo at Emmanuel Villamor, sinabi nila na makulimlim lang ang panahon at nagkaroon ng bahagyang pag-ulan nang dumating sila sa lugar.
“Mga 30 minutes siguro na nandoon na kami, umulan na siya pero hindi masyadong malakas. Hindi namin in-expect na ganun kalakas (ang agos sa talon),” ani Dolendo.
Sinabi ni Villamor na umahon siya sa tubig para kumuha ng pagkain nang mangyari ang trahediya kaya nakaligtas siya.— FRJ, GMA News