Sabay-sabay na naging pari ng Simbahang Katolika ang tatlong magkakapatid sa Opol, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang magkakapatid na sina Fr. Jessie James, Fr. Jestonie, at Fr. Jerson Rey Avenido.
Isang security guard ang ama ng magkakapatid, habang ordinaryong maybahay ang kanilang ina.
Pito silang magkakapatid, at isa lang ang babae.
Aminado ang tatlo na hindi nila inakala na magiging pari sila dahil mayroon silang kani-kaniyang pangarap na propesyon.
Si Fr. Jessie, unang pinangarap na maging electrical engineer. Pero dahil sa oportunidad na ibinigay sa kaniya ng seminaryo, sinubukan niya ito hanggang sa napamahal na sa kaniya ang bokasyon.
Pangarap naman sana ni Fr. Jestonie na maging guro. Ngunit nang makita niyang masaya ang kaniyang kuya Jessie sa seminaryo, sinubukan na rin niya ang magbokasyon.
Samantalang si Fr. Jerson, pangarap na maging duktor. Ngunit dahil na rin sa kalagayan ng kanila buhay, sumunod siya sa yapak ng kaniyang mga kapatid.
Aminado si Fr. Jestonie na may panahon din na sumagi sa isipan niya noon na lumabas na sa seminaryo para magtrabaho at makatulong sa pamilya.
Pero ang kaniyang ina na mismo ang pumigil sa kaniya kaya nagpatuloy siya sa pagpapari.
Isinagawa ang pag-ordena sa magkakapatid sa San Augustine Metropolitan Cathedral sa Cagayan De Oro City.
Nagpapasalamat naman ang simbahan sa pasya ng magkakapatid na maging pari para maipalaganap ang mensahe ng Panginoon.
Nakatakdang madestino si Fr. Jessie sa Agusan del Sur, habang sa isang seminaryo naman si Fr. Jestonie. Samantala, sa isang parokya sa Metro Manila nadedestino si Fr. Jerson.-- FRJ, GMA News