Sinampahan ni Senador Manny Pacquiao ng P100-million cyberlibel complaint nitong Martes si Pastor Apollo Quiboloy sa Makati City Prosecutor’s Office.
Sa pahayag, sinabi ni Pacquiao sa kaniyang 13-pahinang reklamo na dapat magbayad ng danyos sa kaniya si Quiboloy ng P100 milyon "for damages plus attorney’s fees."
Ginamit umano ni Quiboloy ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya upang magpakalat ng "fake news and false information.”
“He used this deliberate falsehood to brainwash the minds of the Filipino public, recklessly propagating lies to blacken the image and reputation of an honest public servant. He even had the audacity to quote the Holy Scripture in furtherance of his lies, misleading his flock, and confusing the public, with the end in view of blackening another’s reputation,” saad ng senador sa kaniyang reklamo.
“His statements, as outlined below, are far from hallow. They are criminal in nature and cannot go unpunished,” patunoy niya.
Nag-ugat ang pagsasampa ng reklamo ni Pacquiao mula sa television at social media post umano ni Quiboloy, na nagsasabing ginamit ni Pacquiao ang pondo ng gobyerno sa hindi natapos na Sarangani Sports Training Center.
Nagkakahalaga umano ang naturang proyekto ng P3.5 bilyon, na sa mga larawan ay nakita ang mga sirang upuan at tinubuan na ng mga damo.
Nangyari ang alegasyon makaraang sabihin ni Pacquiao na lumala ang katiwalian sa bansa.
“My statement relating to the prevalence of corruption in the Philippines under the current administration and even at the time of the COVID-19 pandemic is based on findings from documents and information I obtained from concerned citizens," sabi ni Pacquiao sa reklamo.
"Prior to leaving for the USA for my world championship fight while representing flag and country, I had a press conference on July 3, 2021, where I showed further proof of the prevalence graft and corruption in this administration,” saad pa niya.
Matapos umano nito, sinabi ni Pacquiao na lumabas si Quiboloy sa SMNI television at social media para gawin ang akusasyon laban sa kaniya tungkol sa katiwalian.
Itinanggi naman ng kampo ni Quiboloy ang paratang ni Pacquiao.
Una nang ipinaliwanag ng kampo ni Pacquiao na ang P3.5 billion project na binanggit sa maling impormasyon na kumalat sa social media para sa pagpapatayo ng Sarangani Sports Complex, ay pondo na laan sa paggawa ng Philippine Sports and Training Center sa Bataan sa ilalim ng Republic Act 11214 o the Philippine Sports Training Center Act.
Ayon kay Pacquiao na may akda ng panukala, hindi nagamit ang buong pondo dahil ginamit ito sa COVID-19 response.
Hiniling din noon ni Pacquiao sa Philippine National Police (PNP) na tukuyin ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa pagsasangkot sa kaniya sa Sarangani Sports Complex.—FRJ, GMA News