Bagama't tatlong talampakan lamang ang kaniyang taas, nakapaghatid naman ng gahiganteng tuwa at saya ang komedyanteng si Mahal o si Noemi Tesorero sa tunay na buhay.
Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing ipinanganak noong Disyembre 20, 1974, at panganay sa apat na magkakapatid si Mahal.
Mayroon siyang kondisyon na "dwarfism," na dahilan kaya hindi na siya lumaki.
Grade 3 na si Mahal nang pasukin niya ang pag-aartista. Mula noon, hindi na niya naipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.
Unang napanood si Mahal sa edad 14 sa noontime show ng GMA na Lunch Date noong 1988.
Taong 1990 naman nang isama si Mahal ni Randy Santiago sa isang bagong noontime program sa ibang network.
Napanood si Mahal sa mga pelikulang Last Two Minutes (1990), horror-comedy na "Oh my God... Anak ni Janice!" (1991), "Small and Terrible" (1991) at "Pasukob" (2007).
Napanood din si Mahal sa Kapuso programs tulad ng "Idol Ko Si Kap," at "Bahay Mo Ba 'To." Napanood din siya sa rom-com series na "Owe My Love."
Aminado si Mahal, na may mga nanlalait sa kaniyang kaliitan.
"Hindi ko pinapansin. Minsan nagagalit 'yung kapatid ko, hindi niya rin papansinin, pinagtatanggol lang ako ng kapatid ko, tapos na," sabi ni Mahal.
Gayunman, binabalewala na lang ito ng komedyana.
"Mahirap kasi ang maliit eh. Siyempre nasasaktan din ako, liit nitong tao, ganu'n. Ayokong ganu'n, gusto ko lang... Pare-pareho naman tayong tao, tao naman tayo. Huwag naman ganu'n."
Nasangkot din sa intriga si Mahal nang masaksihan ng publiko ang pag-iibigan nila ni Jimboy.
Pumanaw na nitong Martes sa edad na 46-anyos si Mahal.--FRJ, GMA News