Isang karinderya na itinayo ng isang Pinay na tampok ang mga lutuing Pinoy sa Texas, Amerika. Ang mga putahe, hindi lang sa kaniyang mga kababayan pumatok, kung hindi maging sa ibang lahi.
Sa ulat ni Saleema Refran sa programang "Brigada," ipinasilip ang hardin ng mga tanim ni Josephine Cook, may-ari ng Old Rooster Creek sa Princeton, Texas.
Sa kaniyang hardin inaani ni Josephine, kasama ang anak na si Julie, ang kaniyang mga ginagamit na sangkap sa mga ulam na ibinibenta sa kaniyang karinderya.
Habang abala siya sa pagluluto ng iba't ibang putahe, inaasikaso naman ng asawa niyang si Allen ang litsunan.
Ayon kay Jo, sinimulan niya ang negosyo sa litsunan, hanggang sa magdesisyon silang magdagdag na ng pagkaing Pinoy at buksan ang kanilang karinderya tuwing Biyernes hanggang Linggo.
Tampok dito ang mga pagkaing Pinoy tulad ng dinuguan, inihaw na pusit, pansit, litson at iba. Mala-bahay kubo rin ang disenyo nito at hindi rin nawawala ang videoke.
Umaabot sa $10 o P500 ang presyo ng isang combo na dalawang ulam na may rice and drinks, samantalang $20 naman ang litson o halos P1,000 kada pound.
Umaabot ang kita nila sa $2,000 o mahigit kumulang P100,000 kada weekend depende sa dagsa ng tao, at iniipon nila ang kita para sa gastusin ni Julie.
Dahil sa kanilang garden, malaki ang kanilang natitipid sa mga sangkap, at maaaring kumuha ng kahit anong tanim sa kanilang garden ang mga customer.
Para naman sa dessert, hindi mawawala ang mga ibinebentang kakanin at halo-halo ng isa pang Pinay na si Hazel De Leon-Ramos, owner ng Hazel's Kitchen TX, na nagbebenta ng mga kakanin.
Tunghayan ang kuwento ng nagsisikap na Pinoy sa abroad sa video na ito ng "Brigada."
--FRJ, GMA News