Anim na taong gulang lang noon si Alvin nang maligaw siya at tuluyang mawalay sa kaniyang pamilya sa Maynila nang ampunin siya at dalhin sa Australia. At ngayon 38-anyos na, hangad niyang makita ang tunay na mga kadugo sa Pilipinas.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Alvin na 1989 nang ayain siya ng mga kaibigan na maglakad sa labas ng kanilang bahay.
Pero sa layo ng kanilang narating, hindi na nila alam ang daan pauwi. At ang masaklap pa, iniwan pa siya ng mga kaibigan.
Isang jeepney driver ang nakakita kay Alvin at pinayagan siyang matulog sa jeep at kinalaunan ay iniuwi siya sa bahay.
Pero dahil hindi alam ni Alvin ang kaniyang apelido at address ng bahay nila, hindi siya matulungan na maibalik sa kaniyang pamilya.
Hirap din sa buhay ang driver na nakapulot kay Alvin kaya pinagpasa-pasahan siya ng iba pang driver sa pagkupkop sa kaniya.
Hindi nagtagal, dinala siya sa isang bahay sa Bulacan. Pero dahil sa ikinukulong daw sila doon, napilitan si Alvin na tumakas at muling nagbalik sa kalsada.
Hanggang sa mabagansiya siya sa Obando, at dinala sa action center sa Malolos, at kinalaunan ay sa kanlungan ng mga bata sa Angele City sa Pampanga.
Dahil walang pamilyang naghahanap sa kaniya, ideneklara si Alvin na abandoned and neglected. Kaya inilista na siya for adoption.
Isang Pinay teacher na nakabase sa Australia at ang mister nitong Australian na walang anak ang umampon kay Alvin.
Sa Australia, nagsimula sa Alvin ng bagong buhay. Binusog siya ng pagmamahal ng mga umampon sa kaniya at pinag-aral.
Ngayon, matagumpay na rin siya sa buhay at may sarili nang negosyo. Pero sa kabila nito, pumasok pa rin sa isip niya ang paghahanap ng kaniyang tunay na pamilya.
Base sa alaala ni Alvin, mayroon siyang dalawang kapatid na babae na ang pangalan ay Belinda at Marilyn. Palainom daw ng alak ang kaniyang ama, at tindera sa palengke ang kaniyang ina.
Pagkalipas ng 30 taon, magwakas na kaya ang pangungulila ni Alvin sa kaniyang mga tunay na kadugo? Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News