Posibleng ang undefeated Japanese world champion na si Naoya Inoue ang makakasagupa ng Pinoy champ na si John Riel Casimero.
Sa Youtube video ni Casimero, sinabi niyang sa Disyembre magaganap ang inaasam niyang laban kay Inoue.
"Next laban natin magandang laban 'to December 11--Naoya Inoue," sabi ni Casimero, na kasalukuyang naka-mandatory quarantine matapos magbalik sa Pilipinas mula sa Amerika.
"'Yon! Naoya Inoue, let's go!," masaya pang sabi ni Casimero habang pinagkikiskis ang kaniyang mga palad.
Bukod kay Inoue, isa pang gustong makasagupa ni Casimero ang kapuwa Pinoy champ na si Nonito Donaire Jr., na umurong sa unang nakatakdang laban nila.
Si Donaire ang kasalukuyang, WBC world bantamweight champion, habang WBO world bantamweight champion na si Casimero.
Samantala, si Inoue ang may hawak ng World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) world bantamweight belts.
Nakatakdang maglaban sana ngayong taon sina Casimero at Donaire pero hindi ito natuloy.
Hindi raw kasi nagsumite sa takdang oras ang kampo ni Casimero ng Voluntary Anti-Doping Association (VADA) test.
Hindi rin nagustuhan ni Donaire ang pagbabastos umano ni Casimero sa kaniyang asawa.
Samantala, hindi naman nagustuhan ni Inoue ang mga hirit ni Casimero sa kaniya matapos talunin ng huli si Guillermo Rigondeaux.
"Once the match with Casimero is decided, I would like to beat it under the rule of boxing. Therefore, we firmly ask for weight management 'doping' management so that the match will be established. I hope this year," sabi ng Japanese fighter sa isang tweet kamakailan.
Pero sa isang tweet ng Japanese fighter noong August 27, desidido talaga siyang kalaban si Casimero.
"Everything is clear on the ring. Organize a match without giving priority to Donaire," ani Inoue. --FRJ, GMA News