Parang magkamag-anak na magkakalayo na nag-iyakan sa airport at maging sa video chat ang isang dayuhang amo at ang kaniyang Pinay nanny na kinailangang umuwi ng Pilipinas. Bakit nga ba ganun na lang kamahal ng amo ang OFW na pinabaunan pa niya ng pera nang umuwi? Alamin ang kuwento.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing dating empleyado sa tindahan ng plywood ang OFW na si Maria, habang security guard naman ang kaniyang mister.
Nang maging tatlo na ang kanilang anak at lumalaki na ang gastusin sa pamilya, nagpasya si Maria na magtrabahong kasambahay sa isang pamilya sa Malaysia noong 2016.
Nang panahon na iyon, naghahanap naman ng yaya ang Malaysian na si Ismaniza, para may mag-alaga sa kaniyang bagong silang na anak at nang matutukan din ang kaniyang negosyo.
Nang dumating sa kanilang pamilya si Maria, hindi lang pag-aalaga ng anak ang ginawa niya. Tumulong na rin siya sa paglilinis at iba pang gawain sa bahay.
Hindi naman kaagad nagtiwala si Ismaniza kay Maria. Pero nang ibigay sa kaniya ng OFW ang nakita nitong lalagyan ng pera, doon na napagtanto ng amo na si Maria ang sadyang ipigkaloob sa kaniya ng Diyos.
Kuwento ni Ismaniza, may lamang pera na 40,000 Ringgit o katumbas ng P300,000 ang container na ibinigay sa kaniya ni Maria.
Hindi raw iyon pagsubok kay Maria, bagkos, sadyang nakalimutan na niya ang naturang pera na kaniyang itinabi. Kaya laking pasasalamat niya at paghanga sa katapatan ni Maria.
Mula noon, naging miyembro na ng pamilya ang turing nila kay Maria.
Nagbibigay din sila ng tulong sa OFW sa mga pangangailangan nito para sa pamilyang naiwan niya sa Butuan.
Katunayan, sinorpresa pa nila si Maria nang papuntahin nila sa Malaysia ang mister ng OFW, at sagot nila ang lahat ng gastusin.
Pero isang araw, nakaramdam ng pananakit sa likod si Maria na inilihim niya sa kaniyang amo. Pero dahil sa pagmamalasakit din ng mga bata na kaniyang inaalagaan, sila na nagnasabi sa kanilang ina sa kalagayan ng kanilang yaya.
Nang malaman ito ni Ismaniza, kagad niyang ipinasuri at ipinagamot sa ospital si Maria.
Pero dahil sa kailangan pa ni Maria na maoperahan, pinili niya na umuwi na lang muna sa Pilipinas sa pag-asang baka kailangan lang niyang magpahinga at makasama ang sariling pamilya--bagay na hindi ipinagkait ng kaniyang mga amo.
Mismong ang mga amo pa niya ang naghatid kay Maria sa airport. Sa sasakyan, ibinigay ni Ismaniza ang pabaon niyang malaking halaga ng pera sa pinakamamahal na yaya.
Bukod pa sa mga regalong pasalubong sa kaniyang mister at mga anak.
At nang mahihiwalay na sila sa airport, nagkaiyakan na ang dalawa.
"Mabigat sa kalooban, nakatalikod ka na tinatawag ka pa," sabi ni Maria, na dumating sa Pilipinas noong August 7 pero kinailangang mag-quarantine.
Habang naka-quarantine, sinorpresa si Maria ng video chat ng buong pamilya ni Ismaniza at mayroon pa silang munting regalo para kay Maria na hangad nila ang paggaling at pagbabalik sa kanilang piling.
Tunghayan ang nakaaantig na buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News