Ang mga taong "plastik" o magpagkunwari ay hindi kinalulugdan ng ating Panginoon. (Mateo 23:27-32).

Marami ang nagsasabi na sa kasalukuyang panahon ay mahirap na raw makahanap at makatagpo ng mga totoong tao.

Ito yung mga taong walang pagkukunwari o pagbabalatkayo sa sarili. Sapagkat kung anoman ang kanilang ipinapakitang ugali ay iyon na mismo ang kanilang totoong karakter.

May mga nagsasabi na "endangered species" na raw ang mga ganitong uri ng tao. Ang ibig sabihin, bibihira na lamang tayong makatagpo ng mga ganitong klase ng tao at mas marami na ang "plastik."

Kahit sa social media, maraming nagkukunwari. May kunwaring tumutulong pero may ibang motibo pala.  Mayroon din akala mo'y kaibigan pero kaaway pala kapag hindi mo na kaharap. At marami ang akala mo'y santo na panay ang dasal, simba, pagbasa sa Bibliya pero iyon pala ay hayuk sa paggawa ng kasalanan.

Ganito inilarawan ni HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 23:27-32) ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo.

Nang sabihin Niya sa mga ito na sila'y kahabag-habag sapagkat puro sila pagkukunwari o mga hipokrito. (Mt. 23:27)

Inihalintulad pa ni Hesus ang mga taong ito sa isang libingan na pinaputi. Maganda ang hitsura ng labas ngunit ang loob naman ay bulok at puno ng kalansay.

Winika ni Hesus na ang mga kagaya nila ay ang mga taong mabuti sa paningin ng iba. Ngunit ang katotohanan, ang kanilang pagkatao ay punong-puno ng kabuktutan at pagkukunwari. (Mateo 23:28)

Matutunghayan natin sa ilang Pagbasa sa Bibliya na noon pa man ay talagang hindi na kinalulugdan ng Panginoong HesuKristo ang mga taong mapagkunwari o hipokrito.

Mapapansin din sa mga Pagbasang ito na ang pangunahing pinatutungkulan Niya ay ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo.

Dahil sila mismo ang nagpapamalas ng pagkukunwari. Halimbawa, nais nila'y lagi silang napupuri ng mga tao at ang ginagawa nila ay isang pakitang-tao lamang. Sa layuning purihin sila ng mga tao. Isang ugaling labis na kinamumuhian ng Diyos.

Kaya naman ang laging babala ni Hesus ay ang huwag silang tutularan. Sapagkat kung gagayahin natin ang kanilang estilo ay tiyak na wala tayong matatanggap na gantimpala mula sa Panginoong Diyos.

Pinapaalalahanan tayo ngayon ng Pagbasa na kailangan nating suriin ang tunay na katauhan ng mga taong ating nakikita. Isama na rin natin dito ang pagpili ng mga taong ating ihahalal.

Huwag lamang tayong tumingin sa kanilang panlabas na hitsura at kanilang mga patalastas, bagkos ay kailangan din natin suriing mabuti ang kanilang kalooban.

Katulad ng pagsasalarawan ni Hesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, tingnan natin ang bawat kandidato sa nilalaman ng kanilang puso o sinseridad. Baka naman tulad sila ng isang libingang pinaputi lamang ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay.

Manalangin Tayo: Panginoon Hesus, turuan Mo po kaming magpakatotoo sa halip na mamuhay kami sa pagkukunwari. Sapagkat mas kinalulugdan Mo ang mga taong hindi pagbabalatkayo.  AMEN.

--FRJ, GMA News