Ilang Pilipino ang nakaalis na ng Afghanistan at nakauwi na sa Pilipinas. Hiling naman ng mga Pinoy na naiwan pa sa nabanggit na bansa na kontrolado na ngayon ng Taliban, mailikas na rin sana sila sa lalong madaling panahon.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kabilang sina Mark Suela at pito pa niyang kababayan na katrabaho sa isang security company ang nakalabas na rin ng Afghanistan.

Isinakay sila sa isang British military plane at inihatid sila sa Dubai.

Una nang nakaalis ang nasa 30 Pinoy, kasama si Joel Balale, na ilan taon nang nagtatrabaho sa US Embassy sa Kabul.

Kuwento ni Balale, nakatanggap sila ng email na nagsasaad na kailangang mag-empake sila sa loob ng dalawang oras dahil susunduin sila para makailis ng Afghanistan.

Isinakay umano sila sa helicopter at inihatid sa US base, bago isinakay mula sa military plane papuntang Qatar.

Nitong Martes, nakauwi na sa Pilipinas sina Balale at naka-quarantine ngayon kasama ang iba pang nakasabay niyang Pilipino.

Bagaman masaya siya na nakauwi na, nag-aalala naman siya sa kaniyang mga kaibigang Afghan na nangangamba sa kanilang buhay dahil sa Taliban.

"Mahaba rin ang pinagsamahan namin. Kaya naawa rin ako specially may mga anak sila," saad niya.

Samantala, kabilang naman sa mga Pinoy na naiwan pa sa Afghanistan si Ricardo Tacbad at siyam niyang kababayan.

Masaya si Tacbad sa mga kababayang nakaalis na ng Afghanistas at umaasa siyang sana ay mailikas na rin sila ng gobyerno sa lalong madaling panahon.

"'Yon lang din ang pinagtatakhan namin. Yung iba nakakalabas, yung iba nakakalipad. Siguro kung may makalabas man na talagang yung Philippine Embassy o yung gobyerno natin nakapagpalabas sa kanila, dapat kami lahat, hindi unti-unti," saad niya.

"Parang ano ba 'yan bargain-bargain o ano? First come first serve? Lahat kami dito, buhay ang nakataya," patuloy niya.

Sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs, sinabing ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para matiyak ang kaligtas ng mga Pinoy na nasa Afghanistan pa rin.

Nakikipag-ugnayan din daw ang gobyerno para sa mga flights pabalik ng bansa para sa mga Pinoy na nakaalis ng Afghanistan pero nasa ibang bansa pa rin.

Naglabas na ng pahayag ang Taliban na nagsabing pinag-aaralan na nila ang bagong sistema ng kanilang pamamahala. Pinapatawad na rin daw nila ang mga sumalungat sa kanila noon alang-alang sa kapayapaan ng kanilang bansa.--FRJ, GMA News