Pinatunayan ng isang katutubong Aeta sa Pampanga na hindi nasusukat sa kulay o anyo ang tunay na pag-ibig nang ligawan niya at sagutin siya ng isang city girl sa Maynila. Pero bakit may mga nagdududa sa kanilang pag-iibigan?
Sa "Stories of Hope," sinabing dati nang kilala ng netizens ang 19-anyos na katutubong Aeta na si Mariano G. o "Yano," dahil sa kaniyang mga post sa YouTube, Facebook at Tiktok, at pagiging miyembro dati ng isang talent group.
Hanggang sa makilala ni Yano ang 21-anyos na si Cindirella Salilican o Cindy, na nakipag-duet sa isa niyang Tiktok video.
Hindi naman nila inakala na magte-trending ito.
Nang makita ito ni Mariano, dito na niya pinadalhan ng mensahe si Cindy, at nagkaroon sila ng komunikasyon sa pamamagitan ng Facebook.
"Kahit ganito po ako, parang gusto ko lang is maging kami. Tapos sabi ko 'Puwede ba kitang tawaging mahal?' Tapos nagalit po siya sa akin noon. Nagalit siya sabi niya 'Hoy, tumigil ka,'" natatawang kuwento ni Yano.
Mula rito, nilakasan na ni Yano ang kaniyang loob at niligawan si Cindy.
"Noong nanliligaw pa lang po si Yano, talagang masipag po siya, kahit malayo po 'yung Maynila sa Pampanga, talagang sinisikap niya po na pumunta sa amin. And then nagkaka-developan na nga po kami, doon ko na po siya nag-start na sagutin," sabi ni Cindy.
"Sobrang saya ko po noong napasagot ko siya. Sobrang nakuha ko na 'yung bituin, parang nasungkit kong ganiyan," ani Yano.
Patuloy niya, "Masaya kasi sa aming mga katutubo madalang lang po ang makapag-asawang maganda, unat. Kasi kadalasan 'yung amin pong katutubo, ang nagiging asawa namin, kapwa naming katutubo, hindi po 'yung kagaya nila."
Sa kabila nito, itinago muna nila ang kanilang relasyon dahil may on-screen partner pa noon si Yano.
Bukod dito, may ilang tao rin na nanlait at nangutya sa kanilang relasyon, at sinabihan silang "Beauty and the Beast."
May mga nagdududa rin sa tunay na dahilan ng pagsagot ni Cindy kay Mariano.
"Kahit po ako nasasaktan po ako kapag nakikita ko 'yung ganoon na nagko-comment sa aming dalawa kasi parang jina-judge po agad nila si Mariano sa physical appearance," sabi ni Cindy.
Gayunman, hindi pinatulan nina Yano at Cindy ang bashers, at sa halip ay pinagtuunan nila ang paghahatid ng good vibes sa kanilang vlogs.
Sa ngayon, nagkaroon na rin sina Yano at Cindy ng bago nilang tirahan.
Tunghayan sa video ng "Stories of Hope" ang buong kuwento ng kanilang pag-iibigan.
--FRJ, GMA News