Nagpositibo sa COVID-19 ang aktor na si Arjo Atayde, ayon sa film company na Feelmaking Productions Inc.

“Arjo Atayde tested positive for COVID-19 as shooting for his new film culminated in Baguio last August 16. Arjo was suffering from high fever, headaches, and difficulty in breathing,” ayon sa inilabas na pahayag ng produkyon sa Facebook post nitong Miyerkules.

Ayon pa sa pahayag, napagkasunduan ng mga duktor at mga magulang ng aktor na dalhin sa ospital sa Maynila si Arjo na mayroon umanong "pre-existing medical condition."

Siyam na kasamahan pa niya ang nagpositibo rin sa virus pero asymptomatic at naka-quarantine umano.

Sinabi rin sa pahayag na nakipag-ugnayan sila kay Baguio City Mayor Benjamin Magalang at tiniyak sa alkalde na susunod sila sa kanilang ipinangako.

“We are grateful for the opportunity to shoot in their beautiful city and apologize for whatever inconvenience that this unfortunate incident may have caused,” ayon sa produksyon.


Humingi rin sila ng dasal sa mabilig na paggaling ni Arjo at ng siyam na iba pa.

Sa inilabas na pahayag naman ng Public Information Office ng Baguio City, sinabing iniutos ni Mayor Benjamin Magalong, na imbestigahan ang insidente dahil biglang lumuwas umano ng Maynila si Arjo nang walang abiso sa lokal na pamahalaan.

Mayroon umanong permit ang grupo ni Arjo na mag-shooting sa lungsod pero sa sistema ng "bubble," o hindi sila puwedeng maglabas-pasok sa lugar na kanilang kinaroroonan hanggang sa matapos ang kanilang shooting.

Naka-quarantine umano ang 90 iba pang kasamahan ni Arjo at isasailalim sila sa swab testing. --FRJ, GMA News