Itinuturing na "miracle baby" ang sanggol na iniluwal sa pamamagitan ng post mortem caesarean sa Diffun, Quirino nang masawi ang kaniyang ina dahil sa tuklaw ng ahas. Nang makuha kasi ang sanggol, wala raw itong pulso.
Ayon sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing wala nang buhay nang isugod sa Diffun District Hospital ang ginang na si Jovelinda Lapurga.
Nakatakda na sanang manganak si Lapurga sa Agosto 27 ngunit nasawi siya matapos makagat ng ahas habang naliligo sa ilog.
Pero habang nasa ospital ang ginang, may napansin si Dr. Moises Lazaro, chief of hospital, na naging daan para maisalba ang buhay ng sanggol.
"Bakit parang iba ang umbok [ng tiyan] sabi ko. Parang napakataas, the baby might be struggling for life," ayon kay Lazaro.
Kaagad na kumilos si Lazaro at iniutos ang post mortem caesarean sa ginang kahit hindi pa nakakapirma sa pahintulot ang kaanak ng nasawi.
Pero nang makuha nila ang sanggol, wala raw itong pulso.
Gayunman, hindi sumuko ang mga tauhan ng ospital at pagkaraan ng halos 20 minuto ay nadinig nila ang pag-iyak ng sanggol.
Ayon kay Dra. Sheryl Tanora-Sales, Pedetrician, Quirino Province Medical Center, ibinibigay nila ang lahat ng puwedeng ibigay sa sanggol na patuloy na inoobserbahan.
Wala pa raw kasing pag-aaral na nagagawa kung nakukuha ng sanggol ang kamandag ng ahas kapag natuklaw ang isang buntis.
Papangalanan ang sanggol na si Baby Althea dahil iyon daw ang plano ng namayapang ina na ipapangalan sa kaniyang anak.
Labis naman ang pasasalamat ng mga kaanak ni Lapurga sa pagsagip sa bata.--FRJ, GMA News