Kinaaliwan ng netizen ang isang 87-anyos na lola sa Pangasinan na nagmistulang bata na napaiyak at nabanggit ang kaniyang ina habang tinuturukan ng COVID-19 vaccine.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, ipinakita ang video habang tinuturukan si lolo Erlinda Lingad ng gamot kontra-COVID-19 at napapasigaw sa takot.
Kuwento niya, bigla niyang naalala ang kaniyang nanay na sinasamahan siya noong bata pa siya tuwing magpapabakuna.
Aminado siyang takot siyang magpabakuna pero nagpaturok na rin siya ng COVID-19 vaccine dahil gusto pa niyang mabuhay at makasama nang matagal ang kaniyang mga anak at mga apo.
Wala naman daw siyang naramdamang side effect ng bakuna at nakapagwalis pa nga raw siya sa harapan ng bahay kinabukasan.
Hinimok ni Lola Erlinda ang iba niyang kapwa senior citizen na magpabakuna na rin para maprotektahan ang sarili laban sa COVID-19.
"Nakakatakot magpa-injection pero siyempre makapagpapagaling sa akin, makakabuti," saad niya. "Para humaba ang buhay ko hindi ako magkakasakit." --FRJ, GMA News