Isusubasta sa Los Angeles, California ang Colt single-action revolver na may 7.5 inch barrel na tumapos sa buhay ng kilabot na kriminal noon sa Amerika na si "Billy The Kid."
Sa ulat ng Reuters, sinabing mahigit 140 taon na ang baril na inaasahan na marami ang magkaka-interes dahil sa makasaysayang kuwento sa likod nito.
Ayon sa Bonhams auction house, ang naturang baril ay naging pagmamay-ari ng kriminal at alagad ng batas.
"This is the gun that killed Billy the Kid. It's one of the best documented antique firearms of the American West. We've estimated it at two million to three million dollars, and it's going on the auction block on August 27th at Bonhams," sabi ni Catherine Williamson, director ng Bonhams.
Dati umanong pag-aari ng miyembro ng grupo ni Billy ang baril at nakumpiska ni sheriff Pat Garrett.
Tinugis ni Garrett si Billy sa New Mexico at doon napatay ang kriminal gamit ang naturang baril.
"It's a gun that was in the hands of both an outlaw and a lawman and a lawman again then used it to kill the outlaw," saad ni Williamson.
"So to have that kind of provenance, to have that sort of very clear chain of ownership is unusual. It's a great story. People are still fascinated by it 140 years later," patuloy niya.
Kasama rin sa subasta ang double-barrel shotgun na ginamit ni Billy the Kid para makatakas sa courthouse sa New Mexico.
Sakaling makamit ang inaasahang $2 milyon presyo ng baril, ito umano ang magiging pinakamahal na American antique firearm na maibebenta sa Amerika. --Reuters/FRJ, GMA News