Ituon ang pansin sa ating Panginoon at hindi sa mga unos sa ating buhay (Mateo 14:22-36).
Minsan ay tinanong ni HesuKristo ang Alagad niyang si Felipe kung saan sila maaaring makabili ng pagkain para maipamahagi sa limang libong katao. (Juan 6:5)
Subalit halatang-halata sa tugon ni Felipe kay Hesus na wala silang maaaring magawa para pakainin ang ganoong karaming tao.
Sa halip na mag-isip ng paraan, nakasentro na kaagad ang isipan si Felipe sa pagsuko at kawalan ng pag-asa sa problema. Inisip niya na wala na silang magagawa.
Marami rin sa atin ang katulad ni Felipe na madaling sumuko sa mga suliranin. Pero hindi dapat ganoon kung alam nating kasama natin ang Panginoon.
Sa ating Mabuting Balita (Mateo 14:22-36) matutunghayan natin ang paglalakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig at paanyaya naman kay Simon Pedro na sumunod sa kaniya. (Mateo 14:25-29).
Nang sabihin ni Hesus sa Kaniyang mga Alagad na huwag silang matakot matapos Siyang mapagkamalang multo. (Mateo 14:26-27).
Nagwika si Pedro na nais niyang puntahan si Hesus kung Siya nga ba talaga ang nasa ibabaw ng tubig. (Mateo 14:28).
Kaya inaanyayahan siya ni Kristo na sumunod. Subalit nang mapansin ni Pedro ang malakas na hangin ay unti-unti siyang nalulubog at nataranta sa takot. (Mateo 14:30)
Gayunman, inabot ng Panginoong Hesus ang Kaniyang kamay kay Pedro, at sinabihan siyang napakaliit ng kaniyang pananampalataya dahil sa pag-aalinlangan nito.
Maaaring ang ilan sa atin ay katulad din nina Felipe at Pedro, partikular na kung tayo ay nahaharap sa mga problema at pagsubok sa ating buhay.
Ang atensiyon natin minsan ay nakatuon sa problema kaya nawawalan tayo ng pagkakataon na mag-isip kung papaano ito lulutasin. Kasunod ay malulugmok na nang wala man lamang ginagawang solusyon.
Nawawala sa isip nila na mayroon Diyos na malalapitan upang ibulong at ihinga ang mga problema. Kapag nagawa natin ito, magkakaroon tayo ng kapanatagan ng isipan para makaisip na ng solusyon sa mga suliranin.
Pero hindi dapat natatapos sa pagdarasal ang paghingi ng tulong sa Diyos. Kailangan pa rin nating kumilos at hayaang gabayan tayo ng Panginoon.
Sabi nga, nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa.
Ano nga pala ang nangyari sa problema sa limang libong katao na dapat nilang pakainin? Isa sa mga alagad ni Hesus na si Andres, ang nagsabing mayroong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang maliit na isda.
Sa pamamagitan ng himala ni Hesus, naparami Niya ang tinapay at isda, at napakain nila ang limang libong katao at may sumobra pa.
Kaya inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na sa Panginoong Diyos natin ituon ang ating atensiyon at hindi sa problema.
Manalangin Tayo: Panginoong Diyos, nawa'y huwag po kaming malubog sa kakaisip sa problema sa aming buhay. Sa halip ay palakasin Mo ang aming pananampalataya upang huwag kaming matakot, dahil batid namin na hindi Mo kami pababayaan. AMEN.
--FRJ, GMA News