Payabungin natin ang Salita ng Diyos sa ating buhay upang tayo ay maging mabuting Kristiyano (Mateo 13:1-9).
Ang ating pananampalataya sa Diyos ay katulad ng isang lupa. Ibinubuhos sa atin ng Panginoon ang Kaniyang mga Salita subalit nasa sa atin na kung papaano natin ito tatanggapin at payayabungin sa ating puso.
Kung isasapuso at seseryosohin natin ang Salita ng Diyos, ito'y mamumunga na parang isang halaman o punong hitik na hitik sa bunga na makikita mismo sa ating pamumuhay dahil namumuhay tayo ayon sa Kaniyang mga aral.
Subalit kung ito naman ay papasok lamang sa ating mga tainga at lalabas sa kabila, ang salita ng Diyos ay para lamang isang hangin na dumaan na para bang walang halaga.
Itinuturo ni Hesus sa Mabuting Balita (Mateo 13:1-9) ang Talinghaga tungkol sa isang lalaking maghahasik ng mga binhi.
Apat na uri ng lupa ang ating matutunghayan sa Pagbasa. Subalit magkakaiba ang naging reaksiyon at pagtanggap ng mga lupa matapos na maihasik sa kanila ang mga nasabing binhi.
Ang mga binhi ang naglalarawan sa mga Salita ng Diyos, habang ang mga tao ang naglalarawan ng mga lupa.
Ang mga binhing nalaglag sa daan ay mga taong nakinig ng Salita ng Diyos subalit mistulang hangin na dumaan lamang. Madali silang naakit ng tukso kaya't sila'y tuluyan nang nakalimot at nahulog sa kumunoy ng kasalanan.
Ang mga binhing nalaglag sa mabatong lupa ay kagaya naman ng mga taong tumanggap sa Salita ng Diyos, subalit dahil ito'y nag-ugat at tumimo sa kanilang mga puso.
Pero nang dumating sa kanilang buhay ang mga pagsubok, madali silang pinanghinaan ng loob at madali rin tumamlay ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Hanggang sa tuluyan na nilang talikuran ang Diyos.
Ang laging sinisisi ng mga taong nahaharap sa mabigat na problema ay walang iba kundi ang Diyos. Ang pakiramdam nila ay hindi sila mahal ng Diyos kaya sila ay pinarurusahan at naghihirap.
Ngunit hindi naman kasi kasalanan ng Diyos kung ayaw nilang papasukin sa kanilang mga puso ang Salita ng ating Panginoon. Hindi naman yata makatarungan na sa tuwing magkaka-problema sila ay laging sa Diyos na lamang nila ibubunton ang sisi.
Inilarawan naman sa matinik na lupa ang kinabagsakan ng iba pang mga binhi. Kagaya sila ng mga taong tumanggap sa Salita ng Diyos, pero hindi rin namunga dahil sa labis na pag-aalala tungkol sa kayamanan dito sa lupa, pagkabalisa sa maraming bagay at sobrang pagkahumaling sa salapi at materyal na bagay.
Minsan, may mga tao ang hindi kontento sa anuman ang mayroon sila sa buhay. Ang lagi nilang iniisip ay mas madagdagan pa ang kanilang mga pag-aari. Hindi sila nakukuntento bagkos, sila ay nagiging sakim.
Samantalang inilarawan na mabuti at matabang lupa ang mga taong tumanggap sa Salita ng Diyos, at ito'y inangatan sa kanilang mga puso at pinagyaman.
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na ang Salita ng Diyos na narinig natin ay kailangan nating alagaan katulad ng isang halaman. Dapat natin itong diligan at huwag hayaang malanta, patuloy na palaguin tulad ng isang punong hitik sa bunga.
Manalangin Tayo: Panginoon nawa'y magawa namin alagaan ang iyong Salita sa aming mga puso. Upang ito'y mamunga at lumago dahil hangad namin na maging isang mabuting Kristiyano. AMEN.
--FRJ, GMA News