Hindi napigilan nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na maging emosyonal at maluha sa "throwback" moment sa selebrasyon ng ika-42 anibersaryo ng kanilang programang "Eat Bulaga" nitong Biyernes.
"42 years. Mahigit kalahati ng buhay ko. 63 na ako next month," biro ni Tito Sen, na 72 anyos na ngayon.
Natatawang balik-tanaw pa ng senador, "Kami ni Pareng Joey, noong nagsimula ang 'Eat Bulaga' noong 1979, mabe-verify niyo sa kaniya, akala namin isang taon lang kami."
Madamdamin ang mensahe ni Joey tungkol sa pagkakataon na nagkakahiwa-hiwalay at hindi nagkikita ang mga tao dahil sa pandemya.
"Magandang panahon ito para magbalik-alaala. Pero wika nga, kahit magkaiba-iba na ang ikot ng mundo mga kaibigan, o ang buhay na ating tinatahak, at paghiwalayin man ng lockdown, kahit ilang lockdown 'yan, siguradong may uuwian ang mga Dabarkads natin," sabi ni Joey.
Si Bossing Vic, pinipilit pa ring magpatawa kahit naiiyak na sa mapanood ang throwback video ng mga nagdaang anibersaryo ng longest-running noontime show.
"Nu'ng 25 years ng Eat Bulaga, naiiyak na ako no'n eh," sabi ni Vic na nababasag ang boses, habang makikitang napapunas ng luha ang kaniyang asawa na si Pauleen Luna-Sotto.
"Eh kasi naman sa bawat yugto ng aming buhay, bilang ama, bilang asawa, bilang Enteng Kabisote, Starzan, bilang Vice President (turo kay Tito Sen) este Senator pa lang, salamat sa inyo Dabarkads dahil tinanggap at pinagkatiwalaan niyo kami bilang Dabarkads niyo ng maraming taon at sa mga darating pang panahon," paliwanag ni Bossing.
Nagbigay din ng mensahe si Vic para sa kaniyang kapatid.
"Tito Sen, mula naman noon, kung saan ka man dalhin ng iyong kapalaran, nandito pa rin kami. At ano man ang sunod na nakatadhana sa'yo nasa likod mo ang Eat Bulaga," sabi ni Bossing Vic.
"Ang lakas ko naman at ang lakas ng loob ko ay nanggagaling sa inyo Eat Bulaga, sa pagmamahal ng mga kababayan natin..." tugon ni Tito Sen, bago siya muling napapunas ng kaniyang luha.
"Iba-iba ang daang tinatahak. Mahirap, masaya, malungkot, mapanghusga. Pero bawal sumuko, bawal umayaw. Tuloy lang tayo sa paghahatid ng isang libo't isang tuwa at pag-asa, saan man ako makarating," anang senador.— FRJ, GMA News